Napariwara dahil sa pinunong sutil

SUTIL ang tawag sa pinuno na katulad ni Kim Jong-un ng North Korea. Nababahala ang buong mundo na pinsala sa mga kapit-bansa ng balakin niyang magpalipad nitong linggo ng rocket. Giit ni Kim, pampa-orbit ito ng defense satellite. Pero salaula ang pagkakabuo kaya maari bumagsak sa matataong pook ang mga piraso ng rocket. At habang nakikiusap ang mundo na kanselahin ang rocket launch, lalo siya nanunuyang ituloy ito.

Kasing-sutil siya ng ama na Kim Jong-il. Nu’ng nasa poder, binalak ng matanda na bumuo ng nuclear missile miski walang alam sa safety. Anang mga eksperto, ginim­bal ng ama ang mundo at ginagaya ngayon ng anak dahil KSP (kulang sa pansin) sila. Nang makuha noon ni Kim Jong-il ang atensiyon ng mundo, humingi siya ng pagkain at pera para sa mga sundalo’t alipures, habang nagugutom at naghihirap ang mamamayan.

Ani pilosopo Aristotle, tatlo ang sanhi ng kasutilan: Matigas na palagay, kamangmangan, at kawalang-hiyaan. Alin kaya sa tatlo ang pinagmulan ng masamang ugali ng mag-amang Kim?

Marami pang ibang sutil na pinuno. Nariyan si Bashar Assad ng Syria, na mentras pinagmamaka-awaan ng mundo na huwag saktan ang mga katunggali sa pulitika ay lalo sila minamasaker. Si Mahmoud Ahmadinehad ng Iran, habang pinahihinahon ay lalong nagbabalak bombahin ang Israel. Si Hugo Chavez ng Venezuela ay nagpopondo ng gulo sa South America. Ang mga heneral sa Burma, patuloy ipinipiit si democracy leader Aung Sang Suu Kyi.

Turo ng kasaysayan — nina Hitler, Saddam Hussein, Bin Laden, Gaddafi — ang kinauuwian ng kasutilan. Nagpapakamatay o pinapatay sila -- pero matapos lang ang kapariwaraan ng lipunan o paligid nila.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

Show comments