Kaunting kasaysayan
ANG 1971 Senatorial elections ay dinakila ng Plaza Miranda Bombing kung saan halos lahat ng magiting na kandidato ng Liberal Party Senate Slate ay nasugatan sa entablado, ang ilan halos bawian ng buhay. Ang pagsabog ay naging mitsa ng isang tsunami ng sympathy vote at imbes na ang tinatayang landslide ng nanunungkulang Nacionalista Party ang naganap, sa halip ay ang unang 6 slots (8 slots lamang noon ang pinagtatalunan tuwing eleksyon) ay nasungkit ng Liberal Party Senators na sina Jovito Salonga, Genaro Magsaysay, John Osmeña, Eddie Ilarde, Eva Kalaw at Ramon Mitra, Jr. Tanging sina Manong Ernesto Maceda at Alejandro Almendras ang nakalusot na Nacionalista Senators. Kabilang sa mga nabigong Nacionalista candidates noon ay sina Juan Ponce Enrile at Blas Ople (na tulad ni Manong Maceda ay naging future Senate Presidents).
Seven years old pa lamang noon ang inyong kolumnista subalit sariwa pa hanggang sa ngayon ang alaala ng gusali na sa maraming taon ay naging tanggapan ng aking ama at larangan ng kanyang pinakamatimbang na kontribusyon sa bansa bilang miyembro ng Senado. Ito ay ang Old Congress Building (tinawag na Executive House noong martial law at ngayo’y National Museum). Higit sa Malacanang, ang Old Congress Building na marahil ang pinakahitsurang Palasyo ng may hawak ng renda ng pamamahala dala ng disenyo nitong may mga higanteng haligi sa bukana. Ito’y mararating mo lamang matapos umakyat sa malaki , matarik at malawak na driveway.
Tama ang paggamit ng mga mataas at matabang haligi o pillars bilang simbolo dahil ang mga magiting na nanunungkulan sa loob ng mga pintuan nito ay sila ring haliging tinatanganan ng lipunan. Sa 7th Congress ang kasabayan ng aking ama (na youngest Senator ng kanyang batch) ay sina Gil Puyat, Jose Roy, Arturo Tolentino, Gerardo Roxas, Benigno Aquino, Jr., Helena Benitez, Jose Diokno, Sergio Osmeña, Jr., Ambrosio Padilla, Emmanuel Pelaez, Lorenzo Sumulong, Lorenzo Tañada, Lorenzo Teves, Mamintal Tamano, Salvador Laurel, Magnolia Antonino, Dominador Aytona, Rene Espina, Wenceslao Lagumbay at Leonardo Perez, mga pangalang pinarangalan at nakaukit na ng malalim sa kasaysayan ng bansa.
- Latest
- Trending