Mahal na Araw, kamatayan
TALAGANG magkasama na ang Mahal na Araw at kamatayan. Palagi na lamang, sa oras kung saan halos buong bansa ay nagbabakasyon, may mga aksidente at trahedyang nagaganap. At ang numero unong dahilan ng kamatayan kapag Mahal na Araw, pagkalunod! Sa pinaka-huling report, 13 ang namatay sa katatapos na Mahal na Araw at tataas pa raw ang bilang.
Dahil mainit ang panahon, karaniwan na pinupuntahan ng mga nagbabakasyon ay ang dagat o kung saan puwedeng magbabad sa tubig katulad ng mga ilog at lawa. Ang mahirap, hindi lahat ay marunong lumangoy. Hindi lahat naiintindihan ang mga malalakas na agos ng tubig sa ilalim ng dagat. Hindi lahat alam ang gagawin kapag pinulikat. Kabalintunaan nga na ang bansang tulad natin na pinapaligiran ng karagatan ay mataas ang bilang ng mga hindi marunong lumangoy. Kaya mataas ang bilang ng mga nalulunod, lalo na kapag bakasyon katulad ng Mahal na Araw.
Ang hindi naiintindihan nang marami ay ang malakas na daloy ng tubig sa ilalim ng dagat (undercurrent). Kapag nadakma na nang malakas na undercurrent, mahirap labanan ito kahit marunong kang lumangoy. May mga nababalitaan akong nalulunod sa ga-baywang na lalim ng tubig lang, dahil nahila ng undercurrent. Kapag nahuli na ng undercurrent hindi na dapat lumaban at hintayin na lamang na mabitawan nito. Pero mas mabuti na ang mag-ingat, at alam ang mga senyales kung saan may malalakas na undercurrent.
Una, kapag nasa karagatan, hindi dapat lumalangoy ng mag-isa. Dapat may kasama ka palagi para kung sakaling may mangyari, makakahingi kaagad yung kasama mo ng saklolo. Pangalawa, pag-aralan ang tubig. Kung maraming lumalangoy sa isang lugar, alam mo na walang malakas na daloy sa ilalim. Malikot ba ang isang lugar ng dagat? Kalmado bang masyado para sa dagat? Ito ang mga pwedeng indikasyon na may malakas na daloy sa ilalim, kaya iwasan na. Pangatlo, huwag lumangoy nang masyadong malayo na sa baybay. Pulikat ang mahirap labanan, lalo na kapag mag-isa. May nagsabi sa akin na kumain daw ng saging bago lumangoy para mabawasan ang pagkakataong mapulikat. Kapag tinamaan sa dagat at mag-isa, peligrosong sitwasyon na iyan.
Hindi dapat nagkakaroon ng trahedya sa panahon ng kasiyahan, at maiiwasan ito kung mag-iingat lang, at magbabasa ukol sa mga ligtas na pamamaraan habang lumalangoy. Pinaliligiran ang ating bansa ng higit 7,000 isla. Dapat marunong tayong kumilos at mag-ingat sa tubig.
- Latest
- Trending