Holy Week gawin nating Holy Year
ISA munang announcement: Gaganapin ang ika-23 National Prayer Gathering ng Intercessors for the Philippines sa Abril 10 hanggang 13, 2012 sa Cuneta Astrodome, Pasay City. Sa mga ibig lumahok sa pagtitipong ito, puwedeng makipag-ugnayan sa telepono 5335166 (landline) o 0922 8022436 at hanapin lang si Chen Meneses. Maraming invited foreign evangelists at prophets sa okasyon tulad nina Rev. Robert Missy, isang propeta mula sa New Zealand at Sis. Jill Shannon, isang Christian singer at songwriter.
* * *
Minsan isang taon lang ginugunita ang Semana Santa, panahong nagtatangkang magpakabanal ang tao. May nagdaraos ng spiritual retreat, may nagpepenitensya at may nagaayuno.
Ngunit matapos ang panahong ito, nakalilimot muli tayo at tila awtomatikong nagbabalik sa dating gawi na makamundo. Walang pinag-iba sa Pasko. Sabi nila ang Pasko ay pagmamahalan at pagbibigayan. Pero matapos ito ay nawawala na ang pag-ibig at naroroon muli ang inggitan at bangayan ng mga tao.
Kung sa buong taon ay nakatanim sa puso natin ang diwa ng Semana Santa, siguro’y mas magiging payapa at lipos ng pagmamahalan ang buong taon.
Tama lang na maglaan ng panahon para gunitain ang dakilang sakripisyo ng Anak ng Diyos na si Hesukristo. Nagbubo ng dugo at nagbigay ng sariling buhay para linisin tayo sa lahat ng kasalanan. Ngunit hindi natatapos iyan sa paggunita lamang kundi sa pagsasapamuhay ng mga aral ng Panginoon.
Kung magkagayon, mawawala marahil ang korapsyon sa pamahalaan at ang mga nagaganap na kriminilidad sa bansa.
Pasko man o Semana Santa, iisa ang diwa niyan: Pag-ibig. Wika nga sa Juan 3:16: Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa Sanlibutan kaya ibinigay ang bugtong na Anak upang ang lahat ng manampalataya sa Kanya ay hindi mapahamak kundi magtamo ng buhay na walang hanggan.
- Latest
- Trending




















