Pakinabangan nang husto ang LRT, MRT at ilog Pasig
Ibinasura na ng gobyerno ang kontrobersyal na Northrail project, kung saan magkakaroon sana ng tren na bibiyahe mula Metro Manila patungong Clark. Ang pakay ng tren ay para mapakinabangan ang Clark airport kapag nagsimula na ang pagsasaayos ng NAIA Terminal I na inulan ng batikos at pintas itong mga nakaraang buwan mula sa mga turista mismo. Pinatigil noong isang taon ang kontrata para mapag-aralan nang husto dahil sa mga kontrobersyal na kondisyon. Nalaman na rin na wala palang karanasan ang kontratista na magtayo ng ganung klase at kalaking imprastraktura. Kung bakit sila ang pinili ng nakaraang administrasyon ay sila na lang ang nakakaalam, at umano’y nakinabang! Bubuksan na lamang muli sa mas maayos na bidding ang proyekto. Kailangan pa rin mapatupad ang proyekto dahil malaki naman ang pakinabang sa bansa.
Kasama na rin sa pagbukas sa bidding ang LRT-1, yung unang linya ng LRT sa Metro Manila. May plano na pahabaan pa ang biyahe ng tren hanggang Cavite. Tama nga naman ang pananaw at tugon ng DOTC ngayon na ang kailangan ng Metro Manila ay malawakang pampublikong transportasyon, para mas maraming tao ang mabiyahe. Taon-taon, parami nang parami ang mga bumibiyahe sa Metro Manila. At taon-taon rin ay padagdag nang padagdag ang bilang ng mga sasakyan sa kalsada, pero hindi naman dumadami o lumalawak man ang mga kalsada! Kaya matinding trapik lamang ang nangyayari na masama para sa negosyo at sa ekonomiya ng bansa.
Kung madadagdagan ang mga tren, at mas maganda kung madadagdagan pa ang mga linya, magkakaroon ng solusyon at ginhawa sa mga kalsada ng Metro Manila. Mas maraming tao ang mabibiyahe sa mas konting sasakyan. Kapag malawakan na ang network ng tren at iba pang pampublikong transportasyon, hindi na kakaila-nganin ang mga ibang sasakyan katulad ng mga jeep at tricycle. Lahat ng maunlad na bansa ay may malawakang sistema ng pampublikong transportasyon, at konti na lang sa kalsada.
At hindi lamang limitado sa mga tren. May ilog tayo na umaahas sa malaking bahagi ng lungsod. Bakit hindi pakinabangan ito nang husto? Sa ilog, walang trapik, walang gitgitan, walang stoplight, at walang baha! Siguro ang dapat munang gawin ay linisin ang ilog Pasig para mabawasan ang matinding amoy nito. Kapag nagawa na iyan, pwede nang maglagay ng maraming magandang bangka na pwedeng bumiyahe sa kahabaan nito mula Manila Bay hanggang Laguna de Bay! Mga bansang katulad ng Thailand ay pinakikinabanagan nang husto ang kanilang mga ilog, bakit tayo hindi natin magawa? Panahon na para magbago ng pag-iisip at pananaw. Ang bigyan ng oras ay ang pagpapalawak ng network ng pampublikong sasakyan, at hindi ang pag-aari ng sariling sasakyan at karagdagang prangkisa sa mga pampublikong sasakyan katulad ng bus at jeepney. Hindi dumadami ang mga kalsada, hindi rin lumalawak lahat. Mabuti sana kung napakadaling gumawa ng mga flyover at skyway, o mga kalsada na dumadaan sa ilalim ng lupa. Palawakin ang mga LRT/MRT, at pakinabangan ang ilog Pasig. Nandyan ang solusyon.
- Latest
- Trending