NAGKAMALI ba si President Noynoy Aquino sa pagpili kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales? Hindi kaya likong landas ang binabaybay kaysa sa tuwid na daan? Si Carpio-Morales ang ipinalit kay dating Ombusdman Merciditas Gu-tierrez na umano’y walang nagawa sa puwesto at nabatbat pa ng iregularidad.
Sa unang tingin kay Carpio-Morales, hindi nagkamali si P-Noy sa pagpili sa kanya. Maaaring makatulong nga siya ni P-Noy sa paglilinis at pagpuksa sa mga “buwaya” sa gobyerno.
Pero sa ginawang ruling ng Ombudsman tungkol sa anomalya sa overpriced na noodles, tila nagkamali ang presidente sa paglalagay ng taong magbabantay sa Ombudsman paano’y inabsuwelto ng tanggapan si dating DepEd secretary Jesli Lapus at lima pang education officials dahil sa overpriced purchased ng fortified instant noodles noong 2007 at 2009. Ayon sa isinampang reklamo kina Lapus at iba pa, nakasaad na ang ipamumudmod na noodles ay may kasamang fresh eggs at malunggay pero sa katotohanan ay wala naman. Ibig sabihin nagkaroon ng anomalya sa pagbili ng noodles. Ang kompanyang gumawa ng noodles, ang Jeverps Manufacturing Corp. ay kasama sa sinampahan ng kaso. Nagkaroon umano ng sabwatan sa bidding.
Ayon sa ruling ng Ombudsman na inilabas noong nakaraang linggo, walang matibay na ebidensiya na nagkaroon ng rigging sa bidding. Wala umanong criminal liability sina Lapus at limang education officials. Absuwelto rin ang noodle com pany na nanalo sa bidding.
Maraming nadismaya sa hatol ng Ombudsman. Nawalan ng saysay ang mga nagsampa ng kaso. Tila nagkamali si P-Noy sa inilagay sa Ombudsman sapagkat hindi nakita ang bigat ng anomalya ukol sa napakamahal na noodles. Nasayang ang pagsisikap para maparusahan ang mga nagmaniobra para maipamahagi sa mga bata ang noodles na sobra-sobra ang presyo.
Tuwid na landas ang hinahanap nang marami pero sa nangyayari, tila liku-liko at mabako.