EDITORYAL - Kampanya ng DENR sa smoke belchers di-sana ningas-kugon

PATINDI nang patindi ang air pollution sa Metro Manila at mga katabing bayan. Kapag hindi nasolusyunan ng pamahalaan ang problema sa air pollution, maaaring magkatotoo ang isang pag-aaral na sa darating na panahon, hindi na maaaring tirahan ang Metro Manila sapagkat delikado nang malanghap ang usok. Sa umaga pa lamang, mapapansin na ang nakabalot na smog (smoke at fog) sa kapaligiran. Ang smog na ito ang nalalanghap ng mga tao at nagdudulot ng sakit sa respiratory system. Tiyak na gagastos ang gobyerno nang malaki sapagkat maraming magpapagamot ng sakit nila sa baga. Pawang sa mga pampublikong ospital gagamutin ang mga magkakasakit kaya malaking budget ang kaila-ngan. Kakatwa ang mangyayari na naglalaan ng pera ang gobyerno para sa magkakasakit dulot nang maruming hangin gayung maaari namang solusyunan ang problema.

Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang mga sasakyan ang nagdudulot ng grabeng pollution. Umano’y 80 percent ng emissions o usok ay galing sa mga tambutso ng sasakyan. Ang maruming usok na ito ang nalalanghap ng mga commuters. Araw-araw, pumapasok sa baga ang maruming usok. Unti-unti ang pagpatay. Kung hindi mapipigilan ang mga nagbubuga ng usok, maraming mamamatay. Kawawa ang mga susunod pa.

Nagsimula na ang kampanya ng DENR laban sa smoke belchers. Maraming DENR operatives ang nakakalat sa mga pangunahing kalsada at pinapara ang mga sasakyang nagbubuga ng maitim na usok. Kahapon, maraming dyipni ang hinuli at tinesting ang mga tambutso.

Sana, magpatuloy ang kampanyang ito ng DENR laban sa smoke belchers. Hindi sana ningas-kugon ang kanilang kampanya. Ipakita ang sigasig sa problemang air pollution.

Show comments