Panlilinlang
UMAALMA na ang local officials sa Mindanao dahil sa lumalalang brownout na umaabot na ng higit 10 oras sa ilang parte ng isla nitong mga nagdaang linggo.
Ito ay bunsod sa pangkasalukuyang pinapatupad na power curtailment ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) dahil nga raw may power shortage sa Mindanao na naitala kahapon sa 150 Megawatts. And ibig sabihin nito ay higit na mas mataas ang aktwal na demand kung ihambing sa aktwal na supply ng power sa katimugan.
Kahapon naitala ng NGCP na may system peak na 1244 MW ang Mindanao ngunit ang system capacity nito kahapon ay 1094 MW lang. Kaya nga may deficit na 150 MW.
Hindi naniniwala ang mga local officials ng Mindanao sa mga pahayag ng NGCP dahil nga raw sobra sobra pa ang tubig sa mga pangunahing sources ng hydroelectric power gaya ng Pulangi River sa Bukidnon at Lake Lanao sa Marawi City.
Tahasang inakusahan ni Presidential Assistant for Mindanao Lou Antonino ang NGCP ng panlilinlang sa mga Mindanawan dahil nga may tubig naman bakit gusto nilang palabasin na tuyo ang mga nasabing sources nito.
Sinabi ni Antonino na pinalalabas lang ng NGCP na may power shortage ngayon sa Mindanao upang mapadali ang pagpasok ng mga pinapaboran nilang mga malalaking power players ng bansa na gustong mag-invest dito sa katimugan.
Ayon kay Antonino na may combined untapped sources pa nga na 65 MW ang Pulangi River at ang Lake Lanao na hindi ginagamit ng NGCP gayong nagpapatuloy na nga ang higit kalahating araw na brownout sa iba’t ibang parte ng Mindanao.
Ganundin ang sentimyento ni North Cotabato Gov. Lala Tali?o-Mendoza na nanggagalaiti sa galit dahil nga ang Mt. Apo Geothermal Plants 1 and 2 ay nasa kanilang lalawigan ngunit ang hanggang kalahating araw pa rin ang brownout sa area nila.
Hindi na papipigil pa ang mga local officials ng Mindanao sa pangunguna nina Antonino at Mendoza dahil talagang lalabanan nila ang NGCP sa kanilang pinapalabas na power crisis.
Kaya asahan ang fireworks ngayong Martes sa pagtalakay ng Congressional Committee on Energy sa usaping power crisis in Mindanao.
Hinamon pa nga ang mga Mindanao leaders, lalo na sina Antonino at Mendoza na talagang gagawa sila ng “plunking” habang dinidinig ng Kongreso ang hinaing ng mga taga-Mindanao na ayon sa kanila ay isang “artificial shortage”.
- Latest
- Trending