BOY BOGA. Iyan ang bagong bansag kay impeached chief justice Renato Corona matapos lumantad ang isang Ana Basa upang magreklamo na nanutok ng baril si CJ noong 1997 sa katiwala ng kanilang kompanya. Habang nakaumang daw ang baril sa katiwala ay sabay sigaw ng “Gusto mong pasabugin ko mukha mo!”
Bakit nanutok? Malalaman natin.
Si Ana ay pinsang buo ni Mrs. Cristina Corona. Tinutukan daw ng baril ni Corona ang 83-anyos na katiwala ng BGEI na si Pedro Aguilon o Mang Indo at nagpadala pa ng armadong goons para takutin ang mga magulang ni Ana na sina Jose Ma. Basa III at Raymunda. Nagalit daw si Corona kay Mang Indo dahil pinapasok ang mga Basa sa gusali ng BGEI sa Bustillos, Manila.
Inirereklamo ng mga Basa na sinolo ng mga Corona di lang ang kita sa renta kundi pati ang mahigit P30 milyong pinagbentahan ng Bustillos property ng BGEI nang i-expropriate ito ng City Government of Manila. Inimpluwensyahan rin daw ni Corona ang mga huwes na humawak ng kaso ng BGEI para pumabor ang desisyon sa kanila.
Ginamit umano ni Corona ang impluwensya ng kanyang pagiging legal adviser ng Ramos administration. Sa ngayon, gulat na gulat raw si Ana at ang iba pang miyembro ng Basa-Guidote clan, tulad ng madreng si Flory Basa, matapos malaman sa impeachment trial ni Corona na nag-cash advance raw ng P11 milyon sa BGEI ang akusado. Ayon pa kay Ana, laking gulat nila nang malaman na winidraw ni Corona noong Dec. 12, 2011 ang mahigit P30 milyong pera raw ng BGEI na inilagay niya sa tatlong bank accounts sa pangalan niya.
Magugunita natin na Dec. 12, 2011 lang iniharap ng Mababang Kapulungan sa Senado ang impeachment complaint laban kay Corona. Ang mahigit P30 milyon ay hindi nakadeklara sa statement of assets, liabilities and net worth (SALN) ni Corona.
Ayon pa kay Ana, ibang-iba ang karakter ni CJ Corona sa ipinipinta niya sa publiko na siya’y relihiyoso at madasalin.
Sa isip siguro ng matanda ay tingga at korona ng patay pala ang isusukli sa kanya ni Corona kapalit ng limang dekadang pagseserbisyo niya sa pamilya ni Cristina.
Di bale, gaya nga ng sinabi ni Sister Flory Basa, may panahon ang lahat ng bagay pati na ang pagkakamit nila ng hustisya sa mga mapapait na karanasan sa kamay ng mga Corona.