ANG dalawang anak niya ay kasama niyang nahaharap sa kasong Physical Injuries ang isa naman sa edad 23 anyos… isa ng bilanggo.
Anim ang anak ni Marivic “Marie” Mendoza ang dalawang anak niyang lalake kabilang sa kasong Physical Injuries. Ang isa naman, nadidiin sa kasong murder. Siya’y si Merry Boy o “Eboy”.
Pangalawa sa anim na magkakapatid si Eboy. Katuwang siya ng asawa ni Marie na si Bernardino o “Boyet” sa paghahanapbuhay.
Sa edad na 17 anyos, naglalabas na ng kanilang tricycle si Eboy. Taga-singil naman ng butaw (pondo ng toda) ang ama. Maliban dito, Bantay Bayan din ng Barangay Molino III si Boyet.
Alas-otso pa lang ng umaga, pumapasada na si Eboy 7:00-8:00 ng gabi na ang uwi niya. Sa Mosi Toda, biyaheng Molino, Pag-asa at Camella Homes, ganito ang takbo ng buhay ng pamilya Mendoza.
“Payak subalit tahimik ang pamilyang meron kami,” wika ni Marie.
Ika-11 ng Agosto 2007, bandang ala-una ng madaling araw… natutulog na si Marie nang bigla na lang umuwi ang kanyang asawa na noo’y duty sa barangay.
“Gising…gising ang anak mo… suspek daw sa pagpatay sa Soco Rattan!” paggising ni Boyet sa asawa.
Mabilis na bumangon si Marie sabay sabing, “Ano?! Paanong mapupunta sa Soco Rattan ang anak mo? Nasa debut siya ni Nowellie sa Soldiers.”
Ayon kay Marie, malayu-layo ang Soco Rattan sa Soldiers. Kailangan pa daw sumakay sa jeep para makarating run. Hindi daw para puntahan ng kanyang anak lalo na’t nasa birthday party ito.
Bumalik sa barangay si Boyet para kumalap ng impormasyon. Kumalat ang balitang ang anak niyang si Eboy ang nadidiin sa pagpatay.
Pagbalik ni Eboy sa bahay, tinanoong siya agad ng ina, “Anak, ano ba ‘tong nabalitaan namin. Ikaw ang tinuturong salarin sa patayan sa Jollibee?” Nabigla umano itong si Eboy, “Huh? Ano yun? Sinong nagtuturo. Wala akong alam dun Ma!”
Napag-alaman nilang isang nagngangalang John Alexis Hernandez, 17 anyos ang biktima. Giit ni Eboy hindi umano niya kilala ang binata.
Nanindigan si Eboy, hinintay niya ang reklamo sa kanya subalit wala daw ni patawag ng barangay na naganap.
“Hinintay namin ang pulis kung talagang may sala ang anak ko huliin siya pero wala kaming reklamong nakarating sa amin,” sabi ni Marie.
Dalawang buwan makalipas, nakatanggap na lang ng subpoena si Eboy mula sa Prosecutor’s Office, Bacoor Cavite para sa kasong murder.
Ang naghabla si Jeffrey Hernandez, ama ng biktima.
Base sa salaysay ni Jeffrey, nag-text sa kanya ang girlfriend ng kanyang anak at sinabing nabaril si John sa Tapat ng Jollibee, Molino III. Nagpag-alaaman niyang 9mm na pistol ang ginamit pambaril. Ang tinuturong bumaril, si Merry Boy Mendoza alyas Eboy Daga.
Ayon sa tumatayong testigo na si Tzaddie Arevalo taga-Molino III din. Habang nakatayo siya sa tapat ng Jollibee, nakita niyang naglalakad ang biktima papasok sa gate ng Soco Rattan Compound. Bigla na lang dumating ang isang itim na Honda XRM angkas si Eboy. Pinutukan ni Eboy ng sunud-sunod ang biktima at natumba ito. Tinamaan din ang nasa gate na si Donnel Ramirez.
Ayon kay Tzaddie, kilala niya itong si Eboy na siyang lider ng gang na ‘Dog Town’. Lagi niya daw itong nakikita at minsan namamasada ng tricycle. Habang ang biktima naman ay katugtugan niya si Donnel ay nun lang niya nakita.
Tinakbo ang mga biktima sa ospital. Agad na binawian ng buhay si John. Nagtamo naman ng tama sa kaliwang balikat at kaliwang mukha si Donnel.
Lahat ng ito, tinanggi ni Eboy. Giit niya imposible daw siyang mapunta sa pinangyarihan ng krimen dahil magdamag siyang nasa debut nitong si Nowelli sa Soldiers Hills. Pinatotohanan naman ito nila Michelle Leuterio, Tetsuo Del Mundo at ni Noel Maningas, ama ng may birthday na ayon sa kanilang salaysay, kasama nila ng gabing yun si Eboy at wala ito sa pinangyarihan ng krimen.
Dagdag pa ni Eboy, maaring tinuro lang siya nitong si Tzaddie na pumatay dahil may galit ito sa kanya. Minsan na daw silang nagsapakan.
Nagkaroon ng pagdinig ang kaso. Ang resolusyon naman ng kaso ang inabangan nila Marie. Medyo natagalan umano ito, umabot ng araw… buwan hanggang sa hindi na daw nila na-follow up. Nakampante na ang mag-ina.
Ika-24 ng Disyembre 2008, pauwi si Eboy galing sa kanyang tiyuhin sa Aniban, Bacoor bigla na lang siyang hinuli sa Soldiers ng mga pulis ng Bacoor.
Diretso presinto siya. Naiakyat na pala sa RTC Branch 89, ang kaso ni Eboy. Nailabas ang ‘warrant of arrest’ para kay Eboy kaya siya nadakip.
Dalawang taong nakulong sa Molino Jail si Eboy bago malipat sa Trece Provincial Jail. Ang testigo naman, si Tzaddie nakulong din umano ilang araw makalipas dahil naman daw sa kasong Robbery.
Nakakulong man ang testigo, tuloy pa rin ang pagdalo ni Tzaddie sa mga pagdinig sa Korte hanggang nitong ika-2 ng Pebrero 2009 nag-abot daw ng sulat si Tzaddie kay Marie. Base daw sa sulat, wala talaga siya sa tapat ng Jollibee nasa tabi daw siya ni Donnel at hindi niya umano totoong nakita ang bumaril. Nagawa lang daw niyang ituro si Eboy dahil may alitan sila at samaan ng loob.
Ipinasa ni Marie ang sulat sa Korte at sa ngayon patuloy pa rin ang pagdinig ng kaso. Gustong malaman ni Marie kung may timbang ba ang sulat ng testigo para makalaya si Eboy. Ito ang dahilan ng pagpunta niya sa amin.
Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo. Ang “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ 882KHZ (3:00-4:00 ng hapon) ang istorya ni Marie.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kapag ang isang kaso nililitis na sa korte hindi pwedeng iurong ito dahil lang sa isang liham. Kung may ganitong dokumento kinakailangang pumunta ang gumawa nito sa abogado ng depensa para para igawa ng ‘affidavit of recantation’ o ang pagbawi ng kanyang mga unang pahayag. Kailangan din siyang sumailalim sa isang ‘direct testimony’ at cross-examination’.
Hindi nasisiyahan ang korte sa affidavits of desistance, recantation (The court frowns to affidavits and motion for recantation) dahil kadalasan inuurong ang isang demanda dahil sa nagkabigayan ng pera, pabuya, o pangako ng isang gatimpala.
Ang magandang gawin ni Eboy, paghandaan niya ang kanyang depensa dahil ito’y naka-ugat sa ‘alibi’. Hindi niya ginawa yun, hindi niya kilala ang biktima, wala siya sa pinangyarihan ng krimen at may party siyang pinuntahan.
Ang prinsipiyo ng pagtanggap ng alibi kailangan mapatunayan ng isang tao na imposible siyang makarating sa dalawang lugar sa iisang pagkakataon. Si Eboy na din mismo ang nagsabi na isang sakay lang ng jeep makakarating na siya sa pinangyarihan ng krimen.
(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Ang aming numero 09213263166 / 09198972854. Landline 6387285 at 24/7 hotline 7104038. Maaring magpunta sa 5th floor City State Centre bldg. Shaw Blvd. Pasig Lunes-Biyernes.
* * *
Follow us on twitter: Email: tocal13@yahoo.com