Articles
BILANG Dean ng Law School, madalas nahihingi ang aking opinyon sa kalalabasan ng paglilitis na parang telenobelang pigil-hiningang sinusundan. Hindi ko naman naitatanggi na ang aking personal na pananaw ay batay sa kung ano ang sa tingin kong naaayon sa batas at alinsunod sa resulta ng tamang pagsunod sa mga proseso nito.
Doon sa may posisyon na pabor o laban sa acquittal ni Chief Justice, ang payo ko lang lagi ay huwag muna kayong humusga. Dalawang panig ang pinakikinggan sa isang kaso. At hindi bara-bara ang laro sa loob ng hukuman – lagi itong sumasailalim sa mahigpit at delikadong patakaran sa kung anong ebidensiya ang tatanggapin at alin ang ipupuwera. Tapos na ang prosekusyon. Ngayon naman ang depensa ang antabayanan. Tanggapin muna sa ngayon na anumang pinanghahawakang paniwala ay batay lang sa kuwentong hindi pa buo.
Ganito talaga kapag ang lipunan ay pinamumunuan ng Rule of Law. Hindi maaring mamayani ang kung ano lang ang kagustuhan ng nakararami. Ang atin ay demokrasya na rumerespeto sa karapatan din ng minorya. Kaya bago isipin ng nagbabanggaang Senado at Supreme Court na kung sino sa kanila ang mananaig, huwag sanang kalimutan na higit sa kanila ay ang karapatan pa rin ng indibidwal ang mas matimbang.
Kaya imbes na i-focus ang debate sa mga Sangay ng Pamahalaan, dapat ay mas tutukan ang usapin na kung ang mga karapatan ng isang mamayan sa ilalim ng Saligang Batas ay nababawasan sa isang Impeachment Court. Ang right to due process, right against unreasonable searches, to be presumed innocent, to be informed of the nature and cause of the accusation against him. Kritikal man sa atin bilang bansa ang mga karapatan ng Legislative, Executive, at Judiciary, wala rin itong saysay kapag hindi inuna ang karapatan ng bawat isa sa atin.
Kung “Articles” ang pinag-uusapan ngayon sa Senado, “Articles” din ang usapan dito. Kung sa Konstitusyon ay Article 6 ang Legislative Department, Article 7 ang Executive at Article 8 ang Judiciary, ang Bill of Rights na proteksyon ng mga mamamayan laban sa kapangyarihan ng pamahalaan ay binigyan ng mas mataas na priority. Matapos ang Preamble (Article 1) at Declaration of Principles and State Policies (Article 2), ito ang inuna sa lahat. Ang Bill of Rights ay nasa Article 3.
- Latest
- Trending