Mga adik na traysikel drayber sa Altura
MATINDI ang kadupangan ng ilang traysikel drayber sa kanto ng Altura at Ramon Magsaysay Boulevard, Sta. Mesa, Manila ayon sa reklamong inilapit sa akin ng mga apektadong traysikel drayber. Ayon sa kanilang reklamo, ginugulo ng mga abusadong traysikel drayber ang pilahan ng traysikel sa Buenas Aires at West Vigan Sts., kaya buhul-buhol ang trapiko. Ang mga bastos na traysikel drayber ay bumubuntot sa mga dyipni na nagbababa ng pasahero sa Ramon Magsaysay Blvd. na mapanganib sa mga pasahero.
Sa kabila ng pagtaas ng gasolina na pang-araw-araw na gamit sa pagpasada, aba’y pinaiiral ng mga dupang na drayber ang panggugulang sa kanilang kapwa. Kaya ang hinala, sa droga napupunta ang kinikita ng mga ito. Ayon sa mga nakausap ko, maganda ang daloy ng trapiko sa lugar kung tumatalima ang lahat sa pilahan ng traysikel. Ang masakit karamihan, mga “adik” na traysikel drayber ang lumalabas sa Ramon Magsaysay Blvd., na nakikipag-agawan ng pasahero. Kaya nagbubuhol-buhol ang trapik at nalalagay sa peligro ang mga pasahero.
Calling Manila Mayor Alfredo Lim, pakiaksyunan nga itong reklamong ito. Kung patuloy ang mga traysikel drayber sa pagbuntot sa mga passenger jeepney na nagbababa ng pasahero sa Altura at Ramon Magsaysay Blvd, hindi malayong magkakasakitan at hahantong sa rambulan. Para sa kaalaman mo, Mayor Lim, ang Altura Street ay babaan at sakayan ng mga pasahero ng traysikel biyaheng Gulod, Galas at Balic-Balic. Libong estudyante rin ng Burgos Elementary School ang nalalagay sa peligro tuwing haharibas ang mga walang modong traysikel drayber dahil ito ang pasukan at labasan ng naturang paaralan. Hindi ko nilalahat ang mga traysikel drayber dahil may mga matitino rin naman sa mga ito. Maayos naman ang pila sa Buenas Aires at West Vigan Sts.. Ang mga sigang drayber ay nakikitaan ng pagka-adik dahil sa itsura.
Mayor Lim, pakawalan mo ang iyong mga tauhan sa Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) upang mabantayan ang mga dupang sa Altura at Ramon Magsaysay Blvd. Napapansin ko, hindi na nila kinatatakutan ang mga barangay tanod dahil tila pasok na ang intelehensiya ng mga ito.
- Latest
- Trending