ANG umaaribang impeachment trial laban kay Chief Justice Renato Corona ay patunay na inuuna ng admi-nistrasyong Aquino ang paglambat sa mga tiwaling “big fish” sa gobyerno.
Ako man ay naiinip sa bagal ng impeachment trial na waring walang pinatutunguhan. Nasusuya rin ako pero alam kong ito’y kailangan at ang hinahangad ko ay ang mabilis na konklusyon nito upang maibalik ang tiwala ng mamamayan sa justice system.
Sabi ng ilan, may mas malalaking isyung dapat atupagin ang administrasyon. Pero paanong maisusulong ang mga magagandang programa kung di muna lilinisin ang sistema?
Tingin ko’y nauunawaan ng taumbayan ang mga nangyayari ngayon at ang general sentiment ay pabor sa impeachment process laban kay Corona. Pruweba rito ang pagtaas sa mula 70% sa 72% ng approval at net satisfaction rating ng Pangulo. Umangat din ang ekonomiya ng bansa. Tumatabo ang merkado sa Philippine Stock Exchange. Sa buong Asya noong 2011, ang stock market natin ang Best Performer at patuloy na kumikinang ang record nito.Tumaas din ng 13% ang bentahan at palitan noong Lunes na all-time-high sa kasaysayan ng ating bansa. Sa labas ng bansa, ang bentahan ng Philippine Stocks ay umabot sa $938 million noong huling tatlong buwan ng 2011 at patuloy na bumibilis ang bentahan na parang hotcake ngayong taon, ayon sa TrimTabs Investment Research.
Naumpisahan na ng administrasyong Aquino ang malawakang reporma. Hindi lang ehekutibo ang may pananagutan sa pagsusulong nito kundi kasama rin ang lehislatura, hudikatura at tayong mga taumbayan.
Simboliko dito ang pagkakaaresto sa dating pa ngulo at pagkakakulong ni Dating Comelec Chairman Abalos dahil sa malawakang pandaraya ng mga nakalipas na halalan.
May impeachment man o wala, tatabo ang tiwalang atang ng taumbayan sa Pangulong Aquino at maku-convert ito sa maayos na takbo ng pamahalaan at ng ekonomiya. Ang malakas na pagtulak ni Pangulong Noy sa impeachment ng punong mahistrado ay isa lamang pa raan upang seguruhing maayos na maghahatol ang mga hukom at ma-histrado sakaling dumating sa bulwagan ng mga ito ang mga kaso kontra katiwalian dala ng daluyong ng reporma at kampanya laban sa katiwalian.
Sa tingin ninyo, may mapipiit bang Gloria Arroyo kung sa Korte Suprema’y may Coronang nakaupo?