'Nagmumurang kamyas'
DAIG pa niya ang binata kung pumorma. Aakalain mong siya’y 30 anyos pa lamang...parang nagmumurang kamyas!
Ganito unang isinalarawan ni Rodelia Ilusorio o “Denang”, 35 taong gulang ang lalakeng nakabuntis umano sa kanya. Si Jerry Panganiban, 55 anyos. Isang ‘seaman’.
Matapos ligawan itong si Denang, bigyan ng mamahaling alahas, dalhin sa magagandang ‘malls’ nitong pabling na si Jerry, napasagot niya ang noo’y 26 anyos na dalaga. Limang buwan pa lang sila, nabuntis na si Denang.
Taong 2003, nang makilala ni Denang si Jerry. Nagbabakasyon nun ang dalaga sa kanyang tiyahing si Alice sa Caloocan.
May tindahan ng ulam sina Alice. Madalas si Denang ang bantay. Isa si Jerry sa mga bumibili sa karinderyang laging bukas.
Kwento ni Denang, madalas siyang purihin ni Jerry, “Ang ganda ganda mo talaga Denang…” Hanggang ligawan siya nito.
Nilabas siya ni Jerry. Binilhan ng mga alahas at mga tsokolate.
“Galante si Jerry. Mahilig magbigay ng mga regalo,” sabi ni Denang.
Ayon kay Denang ang pakilala sa kanya ni Jerry ay isa siyang binata.
“Tinatanong ko siya sabi ko, ‘wala kang asawa? Binata ka pa? Bakit ilang taon ka na ba?’ ” wika ni Denang.
Sagot naman ni Jerry, “Kaya ako binata dahil pihikan ako.”
Marso 2003, sinagot ni Denang si Jerry. Hindi lang daw sa pagbigay ng mga materyal na bagay magaling itong si Jerry. Dinala niya rin si Denang sa Baguio.
“Tinanong niya ko kung anong lugar ang gusto kong marating. Sabi ko hindi pa ko nakakapunta sa Baguio. Kaya dun niya ko dinala,” kwento ni Denang.
Habang tumatagal mas nag-init ang relasyon nila Denang at Jerry. Limang buwan pa lang silang magkarelasyon, nagtatalik na daw sila.
Agosto 2003, bago sumakay ng barko si Jerry, may pinagtapat siya. “Denang, ang totoo hindi na ko binata. May asawa ako at mga anak pero mahal na mahal kita! Babalik ako, aayusin ko lahat ng ito,” pangako umano ni Jerry.
Napamahal itong seaman kay Denang. Kwento ni Denang si Jerry ang unang lalakeng kanyang sineryoso kaya’t tinanggap niya ang sitwasyon ng kanilang relasyon.
“Hindi ko magawang makipaghiwalay ng panahong iyon mahal na mahal ko siya,” wika ni Denang.
Nagpatuloy ang relasyon ng dalawa. Hindi rin naputol ang komunikasyon ni Denang kay Jerry. Madalas siyang tawagan ni Jerry sa telepono.
Buwan ng Oktubre ng parehong taon, napansin ni Denang na hindi na siya dinadatnan. Gamit ang isang ‘pregnancy kit’ natuklasan niyang siya’y buntis.
Hinintay niya ang tawag ni Jerry ng buwang iyon. Agad niya itong binalita.“Buntis ako tatlong buwan na…” sabi ni Denang.
Hindi naman daw nabigla itong lalake. Sa halip, nangako umano siya kay Denang na, “Wag ka mag-alala… Hindi kita pababayaan. Akong bahala sa inyo ng anak natin.”
Ito ang huling usap nila ni Jerry. Simula nun hindi na daw siya nito tinawagan. Ni kinamusta ang kanyang pagbubuntis hanggang isilang niya ang anak na lalake. Hindi daw nagparamdam si Jerry.
Hindi naman malaman ni Denang kung saan tatawagan si Jerry dahil ito ang tumatawag sa kanya gamit ang isang ‘landline’ at ang nag-‘appear’ sa kanyang cell phone ay ‘private number’.
Nakarating sa asawa ni Jerry ang relasyon ng dalawa. Sinugod siya nito sa bahay ng tiyahin. “Hoy…Ikaw ba babae ng asawa ko?!” sabi umano ng misis ni Jerry. Hindi din nagpatalo itong si Denang kaya nauwi ito sa isang sabunutan (cat fight). Dinala sila sa barangay. “Wala akong balak sirain ang buhay nila. Hindi ko alam na may asawa na si Jerry.Kung alam ko lang di na ako pumatol,” paliwanag ni Denang. Hunyo 2004, ilang buwan mula nang manganak si Denang umuwi ng Pilipinas si Jerry. Pinuntahan ni Denang at ng isang kaibigan sa bahay si Jerry.
Bitbit ni Denang ang kanilang sanggol nun. Walang imik itong si Jerry.
Ayaw din umano siya nitong kausapin. “Ikaw na lang ang kakausapin ko wag na si Denang,” sabi nito sa kasama.
Nangako si Jerry na makikipagkita kay Denang subalit hindi ito tumupad.
Taong 2011, pinuntahan nila ulit si Jerry sa bahay. Pitong taon na ang anak nila nun. Kwento ni Denang wala ring nangyari. Hindi rin raw sila nagpansinan. Mula nung sanggol pa ang anak nila walang sustentong binigay si Jerry. Ang ama ni Denang lang na isang taxi driver ang umaalalay sa kanilang mag-ina.
Sa ngayon biyudo na itong si Jerry at may bago na umanong kinakasamang batang babae. Nakapagpatayo na daw ng tatlong palapag na bahay si Jerry, may tatlong paupahan at sariling ‘security agency’ ang Triple-J sa Caloocan.
“Hindi ko sinasabing payamanin niya anak ko pero sana wag niyang ipagkait ang karapatan ng bata. Sustentuhan niya,” wika ni Denang.
Nagsampa ng dalawang magkaibang kaso si Denang laban kay Jerry una, R.A 9262, Petition for Support na na-dismiss. Sinundan naman ito ng kasong sibil sa Branch 130 ng Caloocan City for complaint for Acknowledgement and Support. Hindi daw niya siniputan ito, pinanghinaan na rin kasi siya ng loob.
“Gusto ko pong malaman ang legal na hakbang na maari kong gawin para na rin sa aking anak, kaya po ako lumapit sa inyong tanggapan.”
Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo ang “Hustisya Para Sa Lahat ng DWIZ 882 KHZ (tuwing 3:00-4:00 ng hapon) ang istorya ni Denang.
Bilang tulong ni-‘refer’ namin si Denang kay Atty. Maria Rivera ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) para asistehan siya sa kanyang kaso.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kailangang mapatunayan nitong si Denang na si Jerry nga ang ama ng bata. Ang tanging paraan niya na lang ay ang isailalim sa ‘DNA testing’ ang kanilang anak.
Isang mabilis na kasong maaring isampa nila dito ay ang ‘simple seduction’ dahil malinaw na pinaasa, pina-ibig bandang huli iniwan at sinabing may sabit na itong si Jerry.
Tutulungan din namin silang lumapit sa National Bureau of Investigation (NBI) bilang isang ‘indigent complainant’ para maibaba ang halaga ng napakamahal na DNA testing.
Nagtaka rin siguro si Jerry dahil makalipas ang tatlong buwan saka lang siya makakatanggap ng balita na si Denang ay buntis. Hindi ba dapat sa simula pa lang alam na niya na siya’y nagdadalang tao o baka naman mahilig lang talaga itong nagmumurang kamyas na umiwas sa responsibilidad? (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Ang aming numero 09213263166 / 09198972854. Landline 6387285 . Ang 24/7 hotline 7104038. 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd. Pasig Lunes hanggang Biyernes.
* * *
Follow us on twitter: Email: [email protected]
- Latest
- Trending