ANG Pilipinas ay kabilang sa mga bansang nasa Pacific Rim o mga lupang nasa paligid ng Pacific Ocean. At ang mga bansang kabilang dito ay tiyak na makararanas ng mga paglindol at pagputok ng bulkan. Hindi maiiwasan ang mga pagputok ng bulkan at paglindol kaya ang pinaka-magandang magagawa ay paghandaan ang pagsapit nito.
Marami nang lindol na naganap sa Pilipinas at karamihan ay pawang hindi napaghandaan ng mamamayan. Isang mapait na katotohanan na walang nagawang preparasyon ang gobyerno para siguruhin ang kaligtasan ng mamamayan. Libong Pilipino ang namatay dahil sa matitinding paglindol na naganap sa Pilipinas.
Tatlo sa mga lindol na nangyari sa Pilipinas ay nagdulot nang grabeng pagkasira at pagkamatay ng maraming tao. Noong Hulyo 16, 1990, isang 7.7 magnitude na lindol ang tumama sa northern Philippines na ikinamatay ng 5,000 katao. Grabeng nasira ang Baguio City kung saan isang 9-na palapag na hotel ang nag-collapsed. Nasira rin ang Dagupan City, Pangasinan. Hindi napaghandaan ang lindol kaya maraming nag-panic at namatay.
Noong Agosto 17, 1976, isang 7.9 magnitude na lindol ang tumama sa Mindanao na naging dahilan nang pagkamatay ng tinatayang 5,000 hanggang 8,000 katao. Walang nakapaghanda sa pagsapit ng lindol. Nang magkaroon ng tsunami, marami ang nagpanik at hindi naisip na pumunta sa mataas na lugar.
Isang linggo na ang nakalilipas (Pebrero 5, 2012) isang 6.9 na lindol ang tumama sa Negros Oriental at may 50 katao ang namatay. Nagkaroon ng landslides at marami ang natabunan. Hanggang sa kasalukuyan, patuloy ang rescuers sa paghuhukay sa pag-asang may makukuha pang mga tao sa guho.
Walang kahandaan sa lindol ang gobyerno. Kapag may nangyari nang paglindol at marami nang napinsala at namatay, saka lamang ipag-uutos na magsagawa ng paghahanda at magko-conduct ng earthquake drill. Maglaan din ng pondo para sa mga makinarya na pang-rescue at paghanap sa mga naguhuan. Ipag-utos din sa Bureau of Fire Protection ang pagsasanay sapagkat kadalasan ang kasunod ng lindol ay sunog. At ang isang dapat ding paghandaan ay ang pagsapit ng tsunami na tumatama pagkaraan ng lindol.