Pangamba ng marami
Mukhang nangyayari na ang kinakatakutan nang marami. Inutusan ng Insurance Commission (IC) ang Prudentialife Plans Inc.(PPI) na itigil ang pagbabayad sa planholders nito. Bungad ito ng pinansyal na krisis na bumalot sa kumpanya noong 2008, dahil din sa krisis na bumagsak sa buong mundo. Pero habang bumagsak kaagad ang ilang kumpanya na nasa kaparehong industriya katulad ng CAP at Pacific Educational Plans, pinanindigan ng Prudentialife sa kanilang planholders na ipagpapatuloy nila ang pagbayad ng mga tuition. Sa kabila ng pagbabawal sa kanilang magbenta ng panibagong mga plan noong 2009, tuloy-tuloy pa rin ang kanilang operasyon. Pero ngayon, mismo ang IC na ang pumipigil sa PPI na magbayad, para hindi raw maubusan ng pera at marami pang mga planholders ang hindi pa nakakasingil kahit singko.
Mahirap talaga ang industriyang ito. Kaila-ngan nila ng pera para patakbuhin ang kanilang mga operasyon. Kung wala silang makukuhang panibagong pasok na pera, paano nga naman sila magpapatuloy? Parang balde na may mala-king butas sa ilalim ng isang gripo na patak lang ang tulo. Ang sinisisi rin ng PPI ay ang malaking pagtaas ng tuition ng mga paaralan. Kung nasundan lang sana ang 10% pagtaas kada taon, hindi raw sila magkakaproblema. Pero may mga taon na matindi ang tinaas ng mga paaralan. Ito ang mga daing ng PPI.
Pero paano naman ang mga daing ng mga nagtiwala sa kanilang kumpanya? Yung mga nabentahan ng kanilang mga ahente na walang tigil na tumatawag sa kanila para makausap at mabentahan ng mga plano? Naiintindihan ko ang sitwasyon ng PPI, at pinupuri ko sila sa kanilang patuloy na serbisyo sa kanilang mga kliyente. Pero naiintindihan ko rin ang planholders, ang kanilang pangamba. Ang mga nagtiwala sa PPI na gagampanan nila ang kanilang pangako na tutulong sa matrikula ng mga bata. Napakaraming tao na ang naloko ng mga swindler, mga walang kwentang kumpanya at negosyo. Marami nang tao ang nasira ang mga pangarap at gumuho ang mundo, dahil walang nangyari sa kanilang pinaghirapang pera. Sana hindi mabilang ang PPI sa mga kumpanyang ganyan. Sana maipagpatuloy nila ang kanilang magandang serbisyo. Sana tanggalin nila ang pangamba ng kanilang mga kliyente.
- Latest
- Trending