The Recto Proposal
Carpet Bombing. Dynamite Fishing. Sa mga nagmamasid, malinaw na nais lunurin ng Kongreso sa tsunami ng ebidensiya ang Punong Mahistrado. 100 witnesses. Kalkulado ito upang masemento sa sentimyento ng publiko ang pinalalabas na masamang imahe ni CJ Corona. Fast Break at Slam Dunk ang taktika ni Tupaz and Co. At mukha namang nagkakabisa ito sa iba – bakit pa daw pinatatagal ang paglilitis? Ano pa bang ebidensiya ng kawalanghiyaan ang kailangan (galing sa bibig ng isang dati ring Chief Justice ng bansa)?
Aba kung open court ang hinaharap ng may bola, siyempre fast break at slam dunk ang maganda. At siyempre masisiyahan ang mga fans ng koponang nakaiskor. Ganoon ba ang sitwasyon sa Impeachment Trial – open court ba ang hinaharap ng prosecution team?
Alam natin na ang kampo ni CJ Corona ay may magaling na depensa at nababantayan ng full court press ang prosecution tuwing dala nito ang bola. Madalas nga’y ni hindi kailangan sungkitin ang bola dahil kusang nabibitiwan o nagfu-fumble ang nagdi-dribble.
Sayang nga lang at, di tulad ng tunay na basketball game na may turn-over or tsansang umiskor kapag naagaw ang bola, sa Impeachment Trial – mukhang uunahin muna ang prosecution na magprisinta ng ebidensya sa lahat ng paratang bago maging pagkakataon ng Depensa. Pansamantala’y limitado sila sa pag-object. Habang nangyayari ito’y nabubuo na ang opinyon ng publiko nang hindi pa naririnig ang panig ni CJ Corona.
Dahil dito’y dapat sigurong pag-aralan ang panukala ni Senator Judge Ralph Recto na bigyang pagkakataon ang depensa na magprisinta ng kanilang panig bago tumuloy sa susunod na paratang sa Articles of impeachment.
Hindi maaring sabihin na konektado ang mga paratang sa isa’t isa dahil malinaw sa patakaran na dapat hiwalay ang mga akusasyon, isa sa bawat artikulo. Kaya walang mawawala kung sa pagtapos nina Tupaz sa Article 2 ay pagbigyan ang Depensang magprisinta bago tumuloy sa Article 3.
Buong puwersa ng pamahalaan ang tangan ng prosekusyon sa pagsakdal kay CJ Corona. Ang mga panukala tulad nitong kay Sen. Recto ay nakapagbibigay ng sporting chance sa akusado. Kapag ipatupad ng Senado ay lalong maitataas ang antas ng katarungan at ng ating mga proseso at institusyon bilang isang demokrasya.
- Latest
- Trending