NGAYON ay muli tayong pumasok sa karaniwang panahon ng ating pagsamba sa Panginoon. Tapos na ang Pasko sa pagsilang kay Hesus. Balik na tayo sa ating araw-araw na pagsasabuhay sa Kanyang aral at pagliligtas sa atin.
Paalaala sa atin ng Panginoon na dapat nating pa-kinggan ang Kanyang propeta sapagka’t sa pamamagitan nila ay madirinig natin ang tinig ng Panginoon. Kaya sa ating lingguhang pagdiriwang sa ating mga simbahang Kristiyano ay sama-sama nating basahin at isabuhay ang salita ng Diyos. Makinig tayo sa pangaral ng ating mga ministro, deakono, pari at ang Santo Papa sa ating simbahang Kristiyano-Katoliko. Tulad ni Moises ay pinili tayong propeta upang ipasabi sa atin ang aral ng Diyos sa mga tao. “Panginoo’y inyong dinggin, huwag n’yo s’yang salungatin.”
Ipinahayag ni Pablo ayon sa kanyang sulat sa mga taga-Corinto na pagsusumakitan ng lalaking walang asawa ang mga gawain ukol sa Panginoon. Dito pumapasok sa batas ng simbahang Kristiyano-Katoliko na mamuhay ng walang asawa ang kaparian upang ang aming mga gawain ukol sa Panginoon ay maging kalugud-lugod. Tulad ni Hesus ay pumasok sa sinagoga at nagturo ng bagong aral. Ang lalaking may asawa ay dapat pagsumakitan ang mga bagay ng sanlibutang ito upang maging kalugud-lugod sa kanyang asawa at mga anak.
Ang Linggo ang piniling araw ng Ama sa muling pagkabuhay ng Kanyang Anak na si Hesus at pagbaba ng Espiritu Santo ay ang itinakdang araw ng sangka-Kristiyanuhan. Ito ang araw ng pagsamba, pagpaparangal at pagsasabuhay sa mabuting balita. Ang ating pagtitipon at pagsamba sa Panginoon ay panahon din ng Kanyang pagpapagaling sa ating mga karamdamang espiritwal upang pumailalim sa anumang karamdamang pisikal.
Ang ating lingguhan at sama-samang pagsamba sa Panginoon ay panahon ng Kanyang pagpapa-galing sa ating mga sakit. Tayo ay pinagdadaluyan ng maka-himalang pagpapaga-ling sa atin ni Hesus. Ito ang bagong aral ng Panginoon na sa pagsasabuhay sa Kanyang salita ay kasama ang pagpapagaling sa ating mga karamdaman.
Dt 18:15-20; Salmo 94; 1Cor 7:32-35 at Mk 1:21-28