Impeachment: Magulo pero kinakailangan
ANG impeachment process kasama na ang paglilitis ay isang political exercise kaya ayaw man nating mapasukan ng politika ay nangyayari ito. Pero ayon kay Sen. Miriam Santiago, ito ay “quasi judicial at quasi political.”
Pero ang masaklap, ang ano mang isyung politikal ay nagiging dahilan ng pagkakahati-hati ng bayan. Mahalaga kasi sa pag-unlad ng bansa ang pagkakaisa.
Kaya matatawag mang political process ang impeachment, dapat pa ring mangibabaw ang katarungan at katotohanan, ayon kay dating Manila Rep. Benny Abante.
Kapansin-pansin kasi na may mga grupo pa o mga indibidwal na humihirit sa Korte Suprema na magpalabas ng TRO laban sa impeachment trial. Ang kakatwa, mismong ang hepe ng Korte Suprema ang nililitis.
Anang dating Mambabatas, bagamat may legal basis at mga technical issues sa idinaraos na trial, hindi na ito dapat maging sagabal sa pagpapalutang ng katotohanan kung dapat managot si Chief Justice Renato Corona.
Si Abante ang chairman ng BIBLEMODE League na kamakailan ay nagdaos ng bible conference na dinaluhan ng maraming pastor mula sa buong bansa.
Nagbabaga na ang bangayan ng dumedepensa at umuusig kay Corona. Pero ganyan talaga sa mga usaping legal. Ginagawa lang ng bawat kampo ang kanilang mga tungkulin bilang mga prosecutors at depensa ng nasasakdal kaya hindi madaling proseso ito. Ang depensa ay bumabanat sa mga teknikalidad samantalang ang mga taga-usig ay igigiit na dapat suriin ang mga iprinisintang ebidensya na magpapatunay na hindi na karapat-dapat maging chief justice si Corona.
First time tayong magkaroon ng ganitong proseso matangi sa isinagawa laban kay dating Presidente Estrada na naunsiyami dahil naunahan ng tinatawag na “EDSA-Dos.”
Wish ko lang, huwag na sanang pabagalin ng mga balitaktakan sa teknikalidad ang usapin. Hindi baling bumagal dahil sa mga lehitimong bagay na dapat suriin at pag-aralan pero hindi dahil sa mga delaying tactics.
- Latest
- Trending