“WALA kang mapupuntahan sa lalaking yan. Magsisi ka lang sa huli!” minsang sinabi ng ina’t ama ni ‘Baby’ ng suwayin niya ang mga ito.
Sa tuwing maalala niya ang salitang binitiwan ng amang si Antonio “Tony” at inang si Encarnacion nang sumama siya kay John tumataas ang kanyang balahibo… kinikilabutan siya. May krus ang kanilang mga dila.
Ang pagkakaroon ni John Valdez ng unang asawa ang dahilan ng pagtutol ng mga magulang ni Emelyn ‘Baby’ Labolera sa relasyon nila.
Hiwalay man si John at unang misis nito… kasal sila. Labing tatlong taon din ang agwat ng edad ng dalawa. Dise otso anyos pa lang si Baby noon. Si John naman mahigit 30 taong gulang na.
Matalik na magkaibigan si John at amang si Tony. Magkapitbahay at parehas na nagtatrabaho sa Coca-cola Philippines, Otis Manila. Ahente si John, mekaniko naman si Tony. Madalas mag-inuman sina John at iba pang kasama sa bahay nila Tony. Dahil si Baby ang bunso at madalas maiwan sa bahay siya ang laging inuutusan ng kung tawagin niya noo’y ‘Kuya John’.
Mula ng mag-asawa si John hindi na ito dumalaw kina Tony. Lumipat na ito.Nagkita na lang silang muli taong 1993 ng mahiwalay si John sa kanyang misis.
College na nun si Baby. Kumukuha ng kursong nursing sa De Ocampo. “Lagi siyang nandun. Lagi siyang may bitbit na coke… Kahit nung debut ko case ng coke ang regalo niya,”kwento ni Baby.
Hindi daw akalain ni Baby na magkakaroon sila ng relasyon ni John dahil kuya daw talaga ang tingin niya dito. May boyfriend din siya nun at ang nililigawan ni John ang isa niyang pinsan… hindi siya.
Madalas daw silang mamasyal ni John sa Luneta, kasama ang kanyang mga tiya. Nung minsan, pag-uwi nila galing Luneta sakay ng ‘owner na jeep’ ni John nagulat siya ng bigla na lang iliko ang sasakyan at pumasok sa isang motel.
“Anong gagawin natin dito?” tanong ni Baby.
Sagot naman sa kanya ni John, “Magpapahinga lang tayo. Matutulog!”
Hangang ngayon hindi daw mapaliwanag ni Baby kung bakit napapayag siya ni John na pumasok sa motel.
“Para kong ginayuma. Pagmulat ko nakita ko na lang ang aking sariling hubad katabi siya,” pagbabalik tanaw ni Baby.
Nag-iba daw bigla ang ihip ng hangin dahil mula ng may mangyari sa kanila umamo na siya dito sa lalake. Naging sunod-sunuran siya.
Nakarating sa mga magulang ni Baby ang relasyon ng dalawa. Pilit silang pinaghihiwalay subalit ayaw ni Baby. Sinuway niya ang mga magulang. Binahay siya ni John sa Cainta, Rizal.
Kwento niya kinamatayan na ng ina at ama niya ang sama ng loob sa kanya. Bakit daw siya pumatol sa may asawa.
Mas nanaig kay Baby ang pagmamahal kay John. Hindi niya nagawang iwan ang lalake hangang magkaroon sila ng anak nung taong 1995.
Dito na nag-umpisa ang kalbaryo sa buhay ni Baby. Unti-unti daw lumabas ang sungay pati buntot nito.
Pagparada pa lang ng FX na minamaneho ni John sa tapat ng kanilang bahay… bawat yapak ng mabibigat na paa nito paakyat sa kanilang bahay dinadaga na ang dibdib ni Baby at mga anak nito.
“Baka saktan na naman tayo ni Papa!” madalas daw na sabi ng mga anak.
Suntok…tadyak…sampal lahat umano ng pananakit dinanas na ni Baby sa kamay ni John. Maging mga anak niya gulpi rin umano ang inaabot.
“Nandyan yun sikmuraan niya ko. Iumpog ang ulo ko sa pader sa harap mismo ng mga bata!” pahayag ni Baby.
Tiniis ni Baby ito para huwag mawasak ang kanilang pamilya. Ang tanging nagawa niya ay ipa-blotter ang asawa sa barangay subalit siya rin mismo ang nag-uurong ng kaso matapos siyang amu-amuhin nitong si John.
Nitong huli buwan ng Abril, dalawang bote ng red horse naman daw ang pinalo ni John sa kanyang ulo.
Dito na nagpasyang lumayas ng bahay si Baby. Hindi nagpaiwan ang kanyang mga anak, sumama ang mga ito sa kanya. Umupa sila ng maliit na kwarto sa Planters, Floodway. Kinailangan niyang pumasok bilang ahente sa PLDT.
Nabalitaan na lang niyang may bagong binabahay si John. Isang babaeng nagtatrabaho sa salon. Si Genoveva “Heny” Boribor umano, kanyang kumare.
Kinumpirma naman ng mga anak ni Baby na totoo ang tsismis. Nang minsan kasing natulog sila sa bahay ng ama nandun si Heny. Nagpapalakas sa kanila at binilihan pa sila ng mga pamasko.
Pakiusap ng mga anak kay Baby, “Ma… bumalik tayo sa bahay. Ayaw namin si Heny. Ikaw ang nagpalaki sa amin. Ikaw ang ina namin.”
Sumama si John kay Heny. Bumalik naman sa bahay si Baby.
Umuwi rin itong si John subalit sa third floor ng kanilang bahay na siya namalagi. Habang sa second floor naman ang kanyang mag-iina.
Sa ngayon, gusto bukambibig daw ng mga angkan ni John ang pagpapaalis sa kanilang mag-ina. Ito ang dahilan kung bakit nagsadya si sa aming tanggapan.
Bilang tulong nirefer namin si Baby sa Department of Justice Action Center (DOJAC) para tulungan siyang magsampa ng kasong R.A 9262 kay John.
Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo. Ang “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ 882KHZ (3:00-4:00 ng hapon) ang istorya ni Baby.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, parehong kailangan ng ‘psychological help’ ang mag-asawang ito. Ang lalake dahil sa kanyang pagiging alcoholic at pananakit sa babae. Maaring ito’y nagkaroon ng isang malagim na kabanata sa kanyang buhay na ganito na lang ang tingin niya sa kanyang asawa. Hindi rin malayo na kapag nakipagrelasyon siya sa isang babae gawin niya ulit ito. Siya ay isang ‘wife beater’. Ito namang babae kailangan niyang mapagtanto na siya’y merong ‘battered wife syndrome’ kung saan hinahayaan na lang niya na parte ng kanyang buhay na siya’y bugbguin ng mister at hindi niya maiwanan ito.
Ilang beses ko ng sinabi na kapag ang lalake nagsimula ng manakit ng kanyang asawa iwananan niyo ito at hanggang hindi siya nagbabago at napapagaling huwag kayong babalik dahil mauulit lamang ito. Mas komplikado nag buhay nitong si Baby dahil sila’y nakatira sa iisang bahay. Kung saan nasa second floor silang mag-iina habang ang asawa naman nasa third floor. Ano ang maghihinto sa lalakeng ito na sa tuwing nakainom ito baba na lang gugulpihin ang asawa at pagkatapos ipupwersa ang kanyang sarili para sila’y magtalik?
Minungkahi namin kay Baby na kasuhan itong lalake ng Anti-Violence Against Women and Children Law (VAWC). Bumukod sa kanilang tirahan at kasuhan ang lalake ng R.A 9262 para sustentuhan ang kanilang mga anak, ang pag-aaral at gastusin nito. Nangako kami na aakayin namin sila sa laban na ito. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Ang aming numero 09213263166 / 09198972854. Landline 6387285 at 24/7 hotline 7104038. Maaring magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd. Pasig Lunes-Biyernes.
* * *
Follow us on twitter: Email: tocal13@yahoo.com