KAILAN magkakaroon ng batas na ang mga bulok o kakarag-karag na sasakyan ay wawalisin sa kalsada? Kailan magkakaroon ng ngipin ang LTFRB at LTO na huwag nang irenew ang registration ng mga sasakyang bulok at dispalinghado ang preno? Kailan din naman makikita ng DPWH ang kanilang pagkukulang sa paglalagay ng mga signage o karatula sa kalsada na nagpapaalala sa mga motorista na mag-ingat o mag-slow down dahil delikado ang lugar? Kailan din naman kikilos ang mga local official para maiwasan ang mga malalagim na aksidente sa kalsada?
Sunud-sunod ang mga malalagim na aksidente sa kalsada at pawang mga malalaking truck ang kasangkot. Hindi pa natatagalan nang araruhin ng isang truck ang mga hanay ng kainan sa Antipolo at may mga namatay at nasugatan. Noong Huwebes ng tanghali, isa na namang malagim na aksidente ang naganap at isa na namang bulok na truck ang sangkot. Lima ang namatay at 13 ang nasugatan.
Nawalan umano ng preno ang truck habang palusong sa Bgy. Tikling, Taytay, Rizal. Sa bilis ng takbo, sinagasaan ang mga barriers at tumawid sa opposite lane. Binangga ang isang motorsiklo at saka sinagasaan ang isang tumatawid na estud-yante. Makaraang sagasaan ang estudyante nagtuluy-tuloy pa ang pagtakbo hanggang banggain ang police outpost na kasalukuyang kumakain ang mga pulis. Namatay din naman ang drayber ng truck at ang asawa nito. Grabe ang pagkaipit ng dalawa na kailangan pang gumamit ng makinarya para maalis sa truck.
Wala umanong babala sa kalsadang iyon para mag-ingat ang mga motorista o kaya’y maging marahan sa pagpapatakbo. Malaki ang pagkukulang ng DPWH sa nangyari. Nararapat namang panagutin ang operator ng dump truck sapagkat hinayaan niyang bumiyahe na hindi inaalam kung meron pa itong preno o wala. Siya ang dapat sumagot sa kapabayaang ginawa ng kanyang drayber.
Dapat nang walisin ang mga kakarag-karag at bulok na sasakyan para naman mailigtas ang mamamayan sa biglang kamatayan.