Impeachment trial abangan na lang

MAINGAY ang pasakalye sa panimula sa Enero 16 ng impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona. Nariyang nagbababala ang ilang abogadong senador, na maari manaig ang sentimiyentong pampubliko imbis na ebidensiya sa pasya kung ia-acquit o iko-convict si Corona. Nariyang naghahanap na ang Malacañang ng pamalit kay Corona, na binatikos ng spokesman ng Korte Suprema na arogante raw. At nariyang naglalabas ng ebidensiya ang congressmen-prosecutors sa pamamagitan ng press (marangyang condo ni Corona), habang naglalahad din sa press ang defense lawyers ng banat sa una (pag-upa ng private prosecutors).

Para sa akin ang tunay na isyu ay kukulo sa Lunes, Enero 16. Ito ay sa preliminary investigation, na iminumungkahi ng Senate legal staff.

Dalawa kasi ang maaring mangyari sa preliminary investigation. Una, maaring magkasundo ang prosecution at defense kung ano-anong mga isyu ang tinatanggap na ng magkabilang panig, kaya’t hindi na dapat patunayan. Halimbawa, marahil, ang pag-aari ni Corona ng condo na ipinaparatang pero hindi naman itinatanggi. Ginagawa talaga ang PI sa simula ng paglilitis sa korte upang mapabilis ang proseso.

Ikalawang maari mangyari ay busisiin ng mga naglilitis na senador ang paraan ng pag-impeach kay Corona. Pinepetisyon kasi niya na agarang ibasura ng Senado ang impeachment complaint dahil hindi umano ito nabasa o napag-aralan ng 188 kongresistang pumirma.

Giit naman ng Kamara de Representantes, nabasa at naipaliwanag nang husto sa 188 ang habla sa caucus nila nu’ng Disyembre 12, 2011. Bineripika ito ng mga pumirma, at ipinadala kasama ng pirmadong habla. Kung uusisain pa ito ng Senado, para na rin nila pinaghimasukan ang paraan ng pagpasa ng batas ng co-equal congressional chamber.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

Show comments