ISANG pulis ang namatay sa naganap na barilan sa Fairview, Quezon City. Gumagawa ng inspeksyon ang QCPD sa lugar kung saan nagbebenta ng mga paputok nang biglang may nagpaputok ng baril sa kanila. Tinamaan ang isang pulis sa ulo, at isa pa sa paa. Namatay yung tinaman sa ulo. Ligtas naman yung isa. Ganito na ba ka grabe ang negosyo ng paputok ngayon? Papatay ng tao ang mga nagbebenta para lang makanegosyo ilang linggo lamang sa isang taon? O sa lugar ng Muslim lang nangyayari ito? Oo, isang kilalang lugar ng mga Muslim naganap ang barilan. At ang masama pa, isang pulis ang ngayo’y hawak ng QCPD.
Kung ganito na rin lang kasama ang magbenta ng mga paputok, dapat nga ipagbawal na ang pagbebenta nito. Hindi ko rin alam kung bakit kailangang palakasin nang husto ang mga paputok ngayon? Mga bagong klase tulad ng Pacquiao at Goodbye Gloria, na ang balita ay nakakasira na ng mga pader!
Ang masama pa, mga mahihirap ang naaakit bumili ng mga malalakas na paputok na ito, lalo na mga bata! Mas mura kasi kaysa sa mga paputok na sa langit sumasabog at may makukulay na ilaw. At dahil gusto ring magdiwang ng pagpalit ng taon at makilahok sa selebrasyon, binibili itong mga peligroso, o nakakapatay pang mga paputok! Ang industriya ng paggawa ng paputok ang isang industriya na hindi makontrol ng kahit anong administrasyon. Tuwing magpapalit na ang taon, marami pa ring mga paputok ang lumalabas sa mga kalye at iba pang tindahan. Panahon na para matigil na ang ganitong peligrosong industriya. Kailangang maging mahigpit na mahigpit ang pagbawal sa paggawa at pagbenta sa mga bawal na paputok. Lalo na ngayon na namamaril na rin pala ang mga nagbebenta!
Walang masama sa pagdiwang ng bagong taon. Masama kapag nalalagay na sa peligro ang mga magdiriwang. At mas masama kung namamaril na ang mga nagbebenta!