Ligtas na pagsalubong sa Bagong Taon

NAPAGKUWENTUHAN namin ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang panawagang itigil na ang paggamit ng mga paputok sa pagsalubong sa bagong taon. Batay sa karanasan, napakaraming negatibong bagay ang idinudulot ng paputok.

Iniulat ng Department of Health (DOH) na gumagastos ang pamahalaan ng napakalaking halaga taun-taon sa paggamot at pag-aasikaso sa mga nagiging biktima ng “firecracker related injury.” Ayon sa DOH, ang mga pampublikong ospital ay gumugugol ng mula P3,000 hanggang P25,000 sa bawat biktimang malala ang na-ging pinsala, habang P2,000 naman para sa mga maliit lang ang pinsala at nasa kategoryang “out patient” lang.

Taun-taon, napakarami ng nabibiktima ng paputok. Kung kukuwentahin ay lalabas na milyong piso mula sa kaban ng bayan ang nagugugol para sa mga biktima. Bukod sa usapin ng pondong nagagastos para rito ay lubha talagang nakakaawa ang mga nabibiktima ng paputok laluna yung mga bata. Mayroon ding nalalason sa pulbura, habang may mga nasusunugan din ng bahay dahil sa paputok. Ang pinakamasaklap siyempre sa usa-ping ito ay ang katotohanang may ilang kababayan natin ang namamatay dahil sa paputok.

Ang mga Pilipino ay naniniwalang dapat maingay at masaya ang pagsalubong sa bagong taon. Ito nga ang dahilan kung bakit naging bahagi na ng ating “New Year’s Eve countdown celebration” ang pagpapaputok. Pero dapat nating isaisip na ang paggamit ng paputok ay maraming peligrong kaakibat. Makabubuting gumamit na lang tayo ng ibang pamamaraan sa masayang pagdiriwang.

Kami ni Jinggoy at buong pamilya Estrada ay nakikiisa sa panalanging maging ligtas, masaya at makabuluhan ang ating pagsalubong sa 2012.

* * *

Birthday greetings: Agusan Del Norte Rep. Leovigildo Banaag (Dec. 31) at Palawan Gov. Abraham Kalil Baham Mitra (Jan. 3).

Show comments