Palabiro rin pala si Rizal

NILIMBAG kamakailan ng kanyang mga kaanak ang hindi kilalang akda ni Jose Rizal. Pinamagatang Haec Est Sibylla Cumana, hindi ito nobela o koleksiyon ng mga tula o sanaysay. Isa itong laro.

Halaw sa mga hula ng sinaunang propetang Sibyl ng Cumana, na itinanghal sa mga kuwento nina Romanong Virgil at Ovid, ang Sibylla Cumana ay binubuo ng 52 tanong na may tig-walong posibleng sagot —tungkol sa kinabukasan. Kahit ilan ang maaring sumali sa laro, babasahin lang ang mga tanong at sagot.

Halimbawa ng mga tanong: Mapangasawa ko kaya ang aking gusto? Masuwerte kaya ako sa negosyo? Alin ang dapat kong piliin, ang malaki o ang maliit? Para malaman ang sagot, paiikutin ang isang trumpo na octagon, o walong gilid, bawat isa may numero. Paghinto’t pagtagilid ng trumpo, sa numero ibabatay ang sagot tungkol sa kapalaran. Nakakatawa dahil tila tugma ang ilang mga sagot.

Nu’ng book launching kamakailan, bilang laro ay ihinalimbawa si Noynoy Aquino na nagtatanong: “Gusto ba ng pamilya kong mag-asawa ako?” Napahalakhak ang mga panauhin sa sagot na itinuro ng trumpo: “Hindi, depende ang lahat sa tadhana mo.” Kunwari’y itinanong ni Senate President Juan Ponce Enrile, isa sa pinaka-matandang pambansang opisyal: “Mahaba ba ang buhay ko.” Sagot: “Hindi tulad ng nararapat sa iyo.” At kunwari’y si Gloria Arroyo: “Ano ang sinasabi nila tungkol sa akin?” Sagot (bato-bato sa langit, tamaa’y huwag magalit): “Oo, dahil sa ngayon ay negosyo ang lahat, kahit politika.”

P950 ang set ng Sibylla Cumana: Ang orihinal na Kastila, ang salin sa Inggles at Tagalog, at trumpo. Para umorder: cruzpublishing@gmail.com; (+632) 8911945.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

Show comments