TINATAYANG 175 ang namatay at higit 350 pa ang nawawala sa malawakang pagbaha kahapon na dala ni Bagyong Sendong sa Cagayan de Oro City at sa Iligan City at ibang bahagi ng Misamis Oriental.
Kalunos-lunos ang mga eksena ng baha dahil nga sa dami ng mga namatay pagkatapos ng isang trahedya na nilalarawan ng karamihan na mas malala pa sa nagdaang Bagyong Ondoy.
Naalarma ang mga taga-Mindanao dahil kilala ang katimogan na hindi dinadaanan ng bagyo. Maliban lang sa may bandang Surigao provinces sa Eastern Mindanao na madalas natatamaan ng bagyo tuwing sa bahaging Bicol at Samar ang landas na tinatahak tuwing masama ang panahon.
Kaya laking gulat ng lahat nang walang tigil ang ulan na dala ni Sendong na naging sanhi ng pag-apaw ng mga ilog sa Iligan City at maging sa Cagayan de Oro City.
Isa lang ang ibig sabihin nito--- na umiiral na talaga ang climate change lalo na sa Mindanao.
Ang mga lalawigan o rehiyon na dating hindi na apektado ng bagyo o pagbaha ngayon ay nakakaranas na rin ng matinding sama ng panahon.
Nagbabago na talaga ang mundo. At ang climate change ang pinakamalaking hamon na hinaharap ng sangkatauhan. Kung paano ito haharapin ay ang naging paksa ng maraming pagtitipon sa kahit saang bahagi ng mundo.
Maraming paraan upang maagapan natin ang kalunus-lunos na epekto ng pagbabago ng ating panahon. Hindi naman natin kailangan ng marangyang paraan ngunit mas epektibo kung tayo ang muling mamuhay ng simple at huwag nating abusuhin ang ating kalikasan.
At nang sa ganun maiwasan natin ang mga trahedya tulad ng malawakang pagbaha na dulot ng Bagyon Sendong sa Mindanao.