KASADO na ang paghahanda ng Chinese-Filipino Fire Volunteers sa selebrasyon ng Pasko at Bagong Taon, ito ay upang umayuda sa Bureau of Fire Protection (BFP). Taun-taon na kasing naitatala ang maraming sunog dahil sa kapabayaan at katigasan ng ulo ng ilang kababayan na matapos na magpakalunod sa masasarap na pagkain at alak sa Noche Buena ay pagpapaputok at nagsusunog ng mga gulong sa kalye.
Ngunit ito palang fire volunteers sa lahat ng sulok ng bansa ay hindi na halos nakakauwi sa kanilang pamilya dahil sa pagtupad sa tungkulin. Kaya kadalasan sila ang nauuna sa pagresponde sa sunog o sakuna di-tulad ng BFP na maraming verification ang isinasagawa bago tumalima sa kanilang serbisyo. Paano kasi nagtitipid sila sa diesel at karamihan sa mga fire truck ay dispalinghado dala ng kalumaan. Ewan ko lang kung napapansin ito ni DILG Sec. Jesse Robredo. Kaya nagtataka ako kung bakit nakapagpupundar ng fire trucks at equipment ang fire volunteers at ang pamahalaan ay hindi.
Kamakailan, dumalo ako sa isang pagtitipon na inorganisa ni George Ching sa First Cup Café Restaurant sa Binondo, Manila. Paano ba naitatag ang fire volunteers? Ayon kay councilor Ramon Morales, fire chief ng Aranque Fire Volunteers, taon 1966 nang maganap ang sunog sa Binondo na tumupok sa mga kabahayan at tindahan ng mga Chinese-Filipino sa Alonzo hanggang sa Reyna Reinte Sts. Ito ang nagbunsod sa kanyang ama na si Elpidio Morales na magbuo ng Aranque Fire Brigade upang protektahan ang kanilang lugar sa sunog. Naging matagumpay ito nang suportahan ng hardware owners ang brigada ni Morales hanggang dumami ang volunteers.
Lumaganap na ito sa Chinatown kaya bukod kay Morales nagtatag din ang ilang negosyante ng kani-kanilang fire volunteers na kinabibilangan ng North Binondo sa ilalim ng pangangasiwa ni Barangay chairman Jhonny Que ng Bgy. 295, Zone 28, Binondo/Paco Fire Brigade (Eng Bee Tin) sa pangangasiwa ni Jerry Chua, China Town Fire Brigade, New Market Fire Brigade at South San Nicolas Fire Fighter na aktibong rumiresponde sa mga sulok sa Metro Manila at kalapit na lalawigan.