Kaya laganap ang droga sa bansa
KUNG ang Pilipinong nahuhuli sa China dahil sa mga krimeng may kaugnayan sa iligal na droga ay nabibitay, ang mga nahuhuling mga taga-China naman na sangkot din sa iligal na droga ay nakakawala mula sa kanilang kulungan! Tatlong nakakulong na taga-China dahil sa mga kasong may kinalaman sa droga ang tila pinakawalan ng isang nagbabantay sa kanila! Ayon sa ulat, pinakain ni jail officer Richard Sillatoc ng masamang pagkain ang mga kasama niya, at habang nagpuntahan sa banyo para dumuwal ay pinakawalan ang tatlong nakakulong. May CCTV footage daw na magpapatunay nito. Ngayon, pinag-hahanap na silang apat.
Kaya paano mo marerespeto ang ating kapulisan kung mga ganitong klaseng kwento ang maririnig mo! Inaasahan natin silang magbantay sa bansa, iligtas ang mamamayan mula sa krimen, tapos ganito naman ang gagawin, malamang dahil sa pera? At mga dayuhan pa ang tinulungan, mula sa isang bansa na walang kurap na bumibitay sa mga nahuhuling sangkot sa drug trafficking! Kabalintunaang umaabot hanggang langit!
Napakalaking kahihiyan ito para sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP)! Kung ako si Director General Bartolome, sisibakin ko lahat ng mga tauhan diyan at lagyan ng mga bago na dumaan sa mahigpit na prosesong pagpili, at maglabas na ng shoot-to-kill order para sa apat na nakatakas at sa pulis na tumulong sa kanila! Sinabay pa kung kelan naghihilom pa ang bansa mula sa pagbitay ng pang-apat na Pilipino sa China!
Napakahirap na talagang mabago ang imahe ng PNP. Parang alam na ng buong mundo na lahat ng pulis ay may presyo. Mga dayuhan na nga ang mga tumakas, na siguradong hindi marunong masyadong magsalita ng Ingles lalo na ang Tagalog, pero nakuha pa nilang suhulan si Sillatoc para patakasin sila. Malamang pabalik na ng Hong Kong at China ang mga nakatakas! Kaya nagiging laganap ang iligal na droga sa bansa, na mga dayuhan pa ang nagpapatakbo, dahil sa kahinaan ng ilang mga otoridad. Mga walang prinsipyo kundi magkapera lang. Mga gumagamit pa ng mga Pilipino para ikalat ang kanilang masamang produkto sa ibang bansa. Mga walang pakialam kung nabibitay na ang mga Pilipino dahil sa kanila. Tapos sila pa ang nakakatakas mula sa batas. Sino ang hindi magagalit sa ganyang pangyayari?
- Latest
- Trending
















