MARAMI ang tumaas ang kilay sa pahayag ng National Economic and Development Authority (NEDA) na nabawasan ng 5.3 million ang bilang ng mga mahihirap na Pilipino.
Noong panahon ni Presidente Gloria Arroyo, may ganoon na ring pahayag. Kaya maraming pilyo ang isip na pakutyang sinabi na totoong nabawasan ang bilang ng mga pobre dahil marami na ang namatay sa gutom.
Ang pagkabawas sa antas ng paghihirap ay tiyak namang madarama ng taumbayan kung tumatalab. Kapag sadyang umunlad ang kabuhayan at may mga kritikong magsasabing naghihirap ang bansa, walang maniniwala.
Naniniwala ako sa anti-poverty thrust ng administrasyon na kailangan nating suportahan. Nakikita naman natin ang dibdibang pagpupursigi ng administrasyon na wasakin ang katiwalian sa gobyerno. Sa nagdaang administrasyon, katakut-takot na kaso ng katiwalian ang lumantad na ang kasangkot ay mismong ang pinakamataas na leader ng bansa.
Mahirap tuldukan ang kahirapan. Kailangang lumikha ng mga trabaho para sa bawat Pilipino. Hindi lang basta trabaho kundi de-kalidad na trabaho. Magagawa lang iyan kung may sapat na pondo ang pamahalaan at mabuting klima para makahimok ng mga mamumuhunan para magtayo ng negosyo.
Kung sinasabi ng Biblia na “the love of money is the root of all evils,” masasabi natin na sa kaso ng pamahalaan “the lack of money is the root of all our problems.” At saan nagmumula ang kakulangan ng pananalapi? Simpleng sagot ay “corruption.”
Hindi lang korapsyon sa panig ng mga opisyal ng pamahalaan kundi sa mga nasa labas ng pamahalaan na umiiwas sa pagbabayad ng tamang buwis at nakikipagkutsaba sa mga opisyal ng gobyerno. Kaya nagmumukhang kontrabida na si BIR chief Kim Henares dahil sa kanyang mahigpit na polisiya sa pagkolekta ng buwis.
Sa totoo lang, mahirap paniwalaang nabawasan na ang bilang ng mga mahihirap. Pero naniniwala akong mararating natin ang estado ng lubusang pag-unlad kung tayo’y magtutulungan.