SINONG nagsabing tumigil na ang carjackers sa kanilang masamang gawin. Hindi uy! Lalo pa silang naging mabangis ngayon at may mga bagong modus kung paano matatangay ang kursunadang sasakyan. Kahit pa nasa mataong lugar o nasa parking areas na guwardiyado kaya nilang nakawin ang sasakyan. Ngayong holiday season ay aktibo ang carjackers na para bang magreregalo sila ng sasakyan dahil sa sunud-sunod na pangka-carjack.
Ang bagong modus ng carjackers ay ang pag-aabang sa mga parking area ng fastfood chain. Kapag naispatan nilang nakaparada ang kursunadang sasakyan na kadalasan ay sport utility vehicle (SUV), aabangan na nila kung anong oras lalabas ang may-ari. Kapag nakita na nilang may-ari na papalapit sa sasakyan, sasalakay na ang dalawa o tatlong carjackers. Tututukan na nila ang may-ari at hihingin ang susi. Kapag hindi ibinigay ang susi, papaluin o babarilin siya ng carjacker. Malaya nang makukuha ang sasakyan.
Ganyan ang nangyari sa isang empleado ng telecommuications company sa Pasig. Ipinarada ng empleado ang kanyang Honda Civic sa harapan ng isang sikat na fastfood na nasa Shaw Blvd. Bibili lang siya ng pagkain dakong 9:30 ng umaga. Pagkaraan niyang bumili, tiwala siyang lumabas at tinungo ang kinapaparadahan ng kanyang kotse. Nang may lumapit sa kanyang dalawang lalaki na may hawak na baril. Akala raw niya ay hoholdapin lamang siya pero hiningi ang susi ng kotse. Nang tangkain niyang lumaban, pinalo siya ng baril sa batok samantalang kinuha ng kasamang armado ang susi ng kotse. Mabilis na natangay ang kotse.
Laganap ang carjacking at patuloy na nalulusutan ang mga pulis. Masyadong nagtitiwala sa paglalagay ng checkpoint ang mga pulis para raw masabat ang mga carjacker. Dadaan ba ang mga magnanakaw sa checkpoint? Maski ang isda kapag may nakaumang na lambat ay hindi basta papasok doon. Mas maganda kung magpapatrulya ang mga pulis, 24/7 at hindi nakatingga sa isang lugar. Iyong ibang pulis, mga cargo truck ang pinapara para kotongan. Paano masasakote ang carjackers sa ginagawa nilang ito? Gising PNP!