KATATAPOS lamang gunitain ang International Day to End Impunity pero lalo lamang na-challenge ang mga mamamatay-tao at inupakan ang isang radio broadcaster sa Cagayan de Oro City. Pero himalang nakaligtas si Michael James Licuanan. Dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo (riding in tandem) ang bumaril sa kanya. Si Licuanan ang chief of reporters ng Radyo Bombo.
Pauwi na si Licuanan sakay ng kanyang motorsiklo nang barilin sa Barangay 30. Ayon sa mga pulis, may kaugnayan sa illegal na droga ang tangkang pagpatay kay Licuanan. Madalas umanong batikusin ni Licuanan sa kanyang radio program ang drug syndicate sa kanilang lugar. Ilang linggo na umano ang nakararaan, nakatanggap ng banta sa kanyang buhay si Licuanan.
Naganap ang tangkang pagpatay kay Licuanan, isang araw din makaraang gunitain ang Maguindanao massacre kung saan 58 katao ang pinatay na kinabibilangan ng 33 mamamahayag. Pinagbabaril at pinagtataga ang mga biktima noong Nobyembre 23, 2009. Pagkaraang patayin, sama-samang inilibing sa inihandang malalim na hukay. Hanggang ngayon, hindi pa nabibigyan ng hustisya ang mga biktima. Ang mga pangunahing akusado ay nakakulong pero may 100 pang sangkot sa krimen ang hindi pa nahuhuli.
Nagiging karaniwan na lamang sa bansang ito ang pagpatay sa mga mamamahayag. Balewala na kung tambangan. Meron pang pinapasok sa loob mismo ng bahay at saka doon babarilin sa harap mismo ng mga anak at asawa. Ang Pilipinas ay nangunguna na umano sa mga bansang mapanganib sa mga mamamahayag. Dati ang Iraq ang nangungunang bansa na mapanganib sa mga mamamahayag pero tinalo na ito ng Pilipinas.
Nasa anim na mamamahayag na ang pinapatay ngayong 2011. Pawang tinambangan ng riding-in-tandem. Masuwerte naman si Licuanan at nakaligtas sa kamatayan. Pero dapat siyang mag-ingat sapagkat baka balikan siya ng mga mamamatay-tao.
Gawin naman ng pamahalaan ang lahat nang paraan para mahuli ang bumaril kay Licuanan. Hindi dapat hayaang makalaya ang mga mamamatay-tao. Kailangang mapagbayad sila sa mga nagawang kasalanan.