KUNG si dating President Gloria Arroyo ay kinasuhan at inaresto dahil sa electoral fraud, at hindi na pwedeng umalis ng bansa, ang kanyang asawa at dating Unang Ginoo ay hindi sinali sa kaso dahil sa kakulangan ng ebidensiya, kaya tinanggal na ng DOJ sa kanilang watch list order. Malaya na siyang bumiyahe kahit saan niya gusto. Maliban na lang kung kakasuhan na rin siya dahil sa kanyang kasangkutan sa PNP helicopter deal, kung saan dalawa sa tatlong Robinsons R44 na helicopter ay ipinagbili sa PNP sa presyong bago kahit gamit na pala! At bukod doon, mataas pa ang presyo ng mga nasabing helicopter! Katiwalian naman ang hinaharap niyang akusasyon ngayon!
Makasuhan man siya o hindi, hindi raw niya iiwan ang kanyang asawa, lalo na’t may karamdaman at nasa ospital. Pero tingnan n’yo nga ang mag-asawang ito. Dalawa sa pinaka-makapangyarihang indibidwal ng siyam na taon, ngayon, parehong nahaharap sa mga kaso. Electoral fraud, aiding and abetting sa mga Ampatuan, graft sa PNP helicopter deal at baka may plunder pa at kung ano pang kaso ang mahalungkat at ipresenta sa Ombudsman! Kaliwa’t kanan na kaso!
Tingnan mo nga naman ang panahon. Sila na ang nahaharap sa kaso. Umaangal at nagrereklamo na minamalupit daw sila. Eh ang mga kasong sinasampa ay sinampa dahil may pagbabasehan na ebidensiya. Paano masasabing minamalupit sila? Siyam na taon silang nasa kapangyarihan. Siyam na taon nilang napakinabangan ang kanilang mataas na estado sa bansa. Iyan ang mahirap kapag masyadong matagal nang nasa kapangyarihan. Hindi mo na maisip o matanggap ang iba pang klaseng buhay kundi ang sarap at lakas sa lahat! Ginawa pa ang magagawa para maprotektahan sila kapag wala na sa kapangyarihan, pero hindi tumagal at umubra. Makasuhan kaya sila kung si Merceditas Gutierrez pa ang Ombudsman? Hindi nila inisip ang kasabihang hindi dapat matakot ang mamamayan sa kanilang gobyerno, ang gobyerno ang dapat matakot sa mamamayan.
Tapos na ang good time para sa mga Arroyo. Para sa mga pumasok sa pulitiko o nakialam sa patakbuhin nito. Nasaan na ang kanilang mga taga-suporta? Wala na. Nanahimik na at baka sila pa ang mapansin at maim-bestigahan na rin! Sama-sama sa sarap, hiwalay sa hirap yata ang kanilang kasabihan. Palagi nilang hamon na kasuhan sila para sa mga akusasyong binabato sa kanila. Nangyayari na iyan. Harapin na ang tugtugin, ayon kay dating President Ramos. Kaya pag gumaling na ang kondisyon, sayawan na!