Naglahong ludong!
MARAHIL marami sa inyo ang hindi alam kung ano ang isdang ludong. Ang ludong ay nahuhuli sa ilog ng Cagayan. Napakasarap daw ng isdang ito. At dahil pana-panahon lang ang paghuli, napaka-mahal ng isdang ito — pinaka-mahal na isda sa Pilipinas! Sa totoo lang, ayon na rin sa mga kilala kong taga-Cagayan, mga mayayaman at makapangyarihan na lang ang nakakabili ng ludong. Dahil sa mataas na presyo, minabuti ng mga mangingisda na hulihin ang lahat ng ka-yang mahuli, para magkaroon nang malaking pera. Ngayon, napakadalang nang makahuli ng ludong.
Lumang kuwento na ito. Isang bagay o pagkain na gustong-gusto ng tao, na walang pakialam kahit paano mahuli o makamit, basta makuha lang. Hanggang sa maubos na lang nang tuluyan. Ang ludong ngayon ay dineklara na ring endangered species, o nanganganib nang maubos at mawala na sa mundo. Pinagbabawal na ang paghuli ng ludong sa panahon kung kailan ito’y nangingitlog. Tinaas na rin ang multa at parusa sa sinumang mahuling nanghuhuli ng ludong lalo na kung Oktubre hanggang Enero. Ang mahirap lang ay ang pagbantay sa kahabaan ng Cagayan river para patuparin ang pagbabawal na ito. At dahil bawal, natural mas gusto naman ng tao! Tiyak may mga kakabit na kuwento ukol sa isda, na may mahiwagang kapangyarihan para makagamot ng sakit, o magpalakas ng tao, kaya mas lalong nanaisin! At dahil magmamahal nang husto, mas susubukang hulihin pa rin ng mga lokal na mangingisda!
Ito ang sinasabi ko hinggil sa kaugalian natin. Parang yung kuwento ng butanding sa Bicol. Noon, pinapatay para sa kanyang laman. Tinitinda sa palengke ang laman. Kumonti nang husto ang bilang, kaya pinagbawal ng gobyerno ang pagpatay sa malaking pating. Sumunod naman, at naging atraksyon pa sa mga turista. Dumami ang butanding. At dahil marami na, pinapatay muli. Uulit lang ang proseso, hanggang sa hindi na mababalik ang bilang ng mga butanding at tuluyan nang mawawala. Marami pa tayong mga ibang uri ng kahayupan na konti na rin ang bilang, at deklaradong endangered na rin.
Kailangan nating baguhin ang kaugalian tungo sa mga bagay na ganito. Katulad na lang ng ludong, na mawawala na, at mga mayayaman lang ang nakalasap ng kanyang sarap. Hindi man lang umabot sa hapag-kainan ng ordinaryong ma-mamayan. Kung pinabayaang dumami na lang para bumaba ang presyo, nakabili sana ang ordinaryong Juan. Sayang.
- Latest
- Trending