NAGBIGAY ng kalituhan sa sambayanan ang aksyon ni DOJ secretary Leila de Lima nang pigilin nito ang pag-alis ni dating president Gloria Macapagal-Arroyo at dating First Gentleman Mike Arroyo. Lumalabas na sinuway ni De Lima ang desisyon ng Supreme Court sa ipinalabas na temporary restraining order (TRO) na pumapayag bumiyahe ang mag-asawang Arroyo. Pero makapangyarihan pa si De Lima kaysa sa Korte Suprema nang ipag-utos sa Immigration official, National Bureau of investigation at Philippine National Police na huwag paalisin si Arroyo na patungong Hong Kong.
Ano ang silbi ng desisyon ng Supreme Court kung ang katulad ni De Lima mismo ang sumusuway? Ayon sa mga narinig ko, mukhang may personal na motibo si De Lima sa dating presidente at sa dating First Gentleman. Legal ang pagkakaloob ng TRO matapos manaig ang 8-5 votes ng mga mahistrado. Agad naglagak ng P2 million bond ang mag-asawang Arroyo. Nataon na alas-5 ng hapon natapos ang pagproseso sa TRO ng mga Arroyo kaya hindi umabot sa office hour ni De Lima. Subalit ipinagdidiinan ni De Lima na hindi niya natanggap o nabasa ang nakasaad sa TRO kaya mahigpit niyang ipinag-utos sa BI, NBI at PNP at kay DOTC sec. Mar Roxas ang pagpigil sa Arroyo’s couple.
Nagkagulo ang media sa NAIA nang dumating ang ambulansiyang kinalululanan ni GMA. Maging si dating AFP chief of Staff Hermogenes Esperon ay nangawit sa kahahawi sa mamamahayag nang ibaba sa ambulansiya si GMA. Pero hindi sila nakalusot sa mahigpit na pagbabantay ni Immigration Officer Atty. Erick Dimaculangan. Mahigpit ang bilin ni De Lima sa mga taga-Immigration na huwag payagang makaalis si GMA at FG.
Nadismaya ang mag-asawang Arroyo sa naging trato sa kanila. Hindi pinakinggan ang kanilang mga paliwanag. Subalit naging pasensiyoso ang mga Arroyo at nagpasya na lamang bumalik sa St. Lukes Medical Center sa Taguig City.
Huwag bibitiw at patuloy na subaybayan ang resbak ng mga Arroyo kay De Lima.