EDITORYAL - NAIA: Ika-5 sa kinamumuhiang airport sa mundo

PATULOY ang pagbatikos sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Pati ang Cable News Network (CNN) ay nakibatikos na rin at sinabing ang NAIA ay ika-5 sa kinamumuhiang airport sa mundo. Kahanay ng NAIA sa mga kinamumuhiang airport ang Charles de Gaulle Airport sa Paris; Los Angeles International Airport sa United States; Heathrow Airport sa London at John F. Kennedy International Airport, US.

Ilang buwan na ang nakararaan, binatikos na ang NAIA dahil sa masasamang serbisyo at pasilidad doon. Nirereklamo ng mga paalis at dumating na mga pasahero ang kawalan ng tubig sa mga restroom, nangongotong at mga bastos na airport crew, matagal na paglabas ng mga bagahe, kakulangan ng mga baggage cart at marami pang iba.

Sa batikos ng CNN sa pamamagitan ng kanilang Travel Guide program inisa-isa ang mga puna at nararanasan sa NAIA: Bumagsak na kisame sa Terminal 1, strike ng mga empleado ng PAL sa Terminal 2 na nagparalisa sa operasyon at serbisyo, charges sa tampered luggages, maruming restrooms, kakulangan ng upuan sa gates, mga hindi naka-sealed na bottled water na ibinibenta sa retail shops, sirang escalator at kung anu-anong departure fees.

Makaraang lumabas ang report ng CNN, agad namang sinabi ng Malacañang na magsasagawa ng improvement sa NAIA. Gagawin daw ang lahat para maging kaibig-ibig ang NAIA at hindi kamumuhian. Sabi ni Transportation and Communication secretary Mar Roxas na tinatanggap nila ang mga batikos at gagawa sila ng paraan para malutas ang mga problema sa NAIA. Nagsasagawa na umano ng renovations sa NAIA. Nilalagyan na ng mga ilaw, may isinasagawang landscaping at iba pa para maging kaakit-akit ang airport. Nang dumalaw si President Aquino sa NAIA ay ipinakita ni Roxas ang bagong plano para sa NAIA.

Matagal nang binabatikos ang NAIA kaya nararapat lamang na magsagawa ng mga pagbabago. Kung hindi mababago ang imahe ng NAIA, huwag asahan na may mga dayuhang bibisita. Ang NAIA ay salamin din ng bansa kaya dapat maging kahali-halina at maganda.

Show comments