Editoryal - Firecrackers naman ang bantayan
FORTY NINE days na lang at 2012 na. Abalang-abala na ngayon ang mga gumagawa ng paputok para sa selebrasyon sa New Year. Marami rin namang firecrackers at pailaw na galing China at ibinibenta na ngayon sa Divisoria. Karaniwang ibinibenta ay piccolo at ang mga suki nito ay mga bata. Kung nakakarinig na kayo ng mga putok, ito ay walang iba kundi ang piccolo. Madaling bilhin ang piccolo sapagkat kahit sa maliliit na tindahan sa kanto ay mayroon nito. Puwedeng bilhin ng kahit sinong bata. At walang pakialam ang mga may-ari ng sarisari store kahit menor-de-edad pa ang bumili at magpaputok. Ang mahalaga sa kanila ay ang kikitain. Wala sa kanila kung maputulan ng kamay o mabulag ang mga batang bibili sa kanya ng piccolo o kahit nang anupamang uri ng paputok. Wala rin sa kanya kung magkaroon ng sunog dahil sa tinda niyang piccolo.
Ang maagang pagpapaalala ng Department of Health (DOH) sa publiko ay kailangan na bago pa man maging huli ang lahat. Ngayon pa lang, maglabas na ng mga payo ukol sa masamang dulot ng paputok. Hindi dapat ipagwalambahala ang maagang pagkalat ng mga paputok na maski ang mga bata ay maaari itong mabili.
Karaniwang biktima ng mga paputok ay ang mga bata. Noong nakaraang taon, may mga batang nabulag nang damputin at pumutok sa mukha ang pumaltos na rebentador. May mga batang naputulan ng daliri. Mayroon namang nalason ng watusi. Ang watusi ay madali ring nabibili sa mga tindahan.
Ayon sa DOH, umabot sa 546 ang mga nabiktima ng paputok noong December 2010. Umabot sa 31 ang naputulan ng kamay at 84 naman ang nabulag. Nasa 20 katao naman ang tinamaan ng ligaw na bala. Mas mataas naman ang mga naging biktima ng paputok noong 2009 na umabot sa 600.
Para maiwasan ang mga trahedya sa paputok, total ban ang kailangan para rito. Pero maraming gumagawa ng firecrackers ang aangal dito. Isa rin sa maaaring gawin ay magkaroon ng isang lugar sa barangay na doon magpapaputok ang mga tao pagsapit ng New Year para maiwasan ang disgrasya at mga sunog. Higpitan naman ang mga tindahan sa pagbebenta ng paputok sa mga bata.
- Latest
- Trending