'Pinabayaan, inabandona, itiniwangwang na kalsada'
UMAASA ang mga residente na isang tuwid at magandang daan ang kanilang masisilayan sa ginagawang kalsada sa Hereford, Proj.8, Quezon City.
Subalit bigo sila dahil imbes na ginhawa, perwisyo ang idinulot sa kanila ng ginagawang kalsada. Dismayado ang mga residente ng Hereford nang lumapit sa BITAG.
Mag-iisang taon na raw ang ginagawang kalsada sa kanilang lugar na proyekto umano ng Quezon City Hall. Subalit matapos bakbakin ng contractor ng proyekto ang kalsada, iniwanan itong nakatiwang wang lamang.
Ilang beses na raw nila itong ipinaalam sa Quezon City Engineering’s Office subalit wala silang napapala kundi paghihintay lamang. Ang contractor ng ginagawang kalsada, ang Integra Asia Konstruk, patay malisya lang din sa problemang ito.
Nang bisitahin ng BITAG ang nasabing lugar, lu-malaki na nga ang mga bakbak ng kalsada. Ang mga ginawang manhole, iniwanang mga nakabukas lamang.
Hinaing ng mga residente sa lugar, ilang bata na raw ang nahulog sa mga nakatiwangwang na manhole na ito.
Ang maliit na opisina ng Integra Asia Konstruk sa mismong site, walang tao. Katiwala ang humarap sa BITAG, aminadong basta na lamang inabandona ang ginagawang kalsada.
Sa tanggapan naman ng Quezon City Engineering’s Office, matagal na rin pala silang namumroblema sa proyektong ito. Makupad at mabagal daw kasi ang Integra Asia Konstruk sa pagtapos ng proyekto.
Bayad na raw ang City Hall sa Integra kaya dapat ay tapos na ang ginagawang kalsada. Agad naman nilang ipinatawag ang inhinyero ng Integra Asia na humahawak sa proyektong ito.
Ang lokong inhinyero dahil alam niya ang kanilang kamalian at kapaba-yaan, panay ang iwas sa harap ng camera. Nagdadahilang nag-uulan daw kaya hindi matuloy ang kanilang paggawa.
Hindi kinagat ng BITAG at ng Quezon City Enginee-ring’s Office ang dahilang ito, luma na ang mga ganitong palusot. Kaya matimtimang nangako ang inhinyero ng Integra na agad aayusin ang gusot na ito sa lalong madaling panahon.
Hindi pa kami tapos dito, babalik-balikan namin ang kalsadang inirereklamo. Nakatutok din kami sa Quezon City Engineering’s Office, alam naming nauuunawaan ni Mayor Bistek na isa naming kaibigan sa larangan ng serbisyo publiko ang layunin ng BITAG sa problemang ito.
- Latest
- Trending


















