Walang tigil ang riding-in-tandem

UMATAKE na naman ang riding-in-tandem sa Caloocan at Quezon City kahapon. Ang unang biktima ay mga barangay tanod ng Phase 3, Package 1 sa Bagong Silang, Caloocan City. Dead on the spot sa loob ng barangay outpost si Purok leader Esperidion Catudio at ang tanod na si Domenguito Marquez matapos pagbabarilin. Nasa kritikal na kalagayan naman ang isa pang tanod na si Alvarado Pascual. Ayon sa mga nakausap ko, biglang pumasok ang dalawang salarin na naka-bonette sa outpost at pinaputukan ang tatlo na noon ay nag-uusap. Matapos ang pamamaril ay sumakay sa kanilang motorsiklo at tumakas. Agad rumisponde ang ilang tanod at nadatnan nila sina Catudio at si Marquez na nakahandusay sa sahig at patay na. Sinakluluhan ang duguang si Pascual na gumagapang palabas ng outpost at dinala sa ospital. Sa ngayon, blanko ang mga pulis-Caloocan sa pangyayari.

Ilang minuto ang nakalipas, nakatanggap ako ng tawag na may lalaking pinagbabaril sa construction site ng Luzon flyover sa Bgy, Culiat, Quezon City kaya humahangos akong nagtungo roon. Patay na ang biktima na nakilalang si Clifford James Candido. Walang nakakita sa krimen. Wala kasing pulis na nagpapatrulya sa lugar.

Hindi pa natatapos ang imbestigasyon ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa bangkay ni Candido ay muli akong nakatanggap ng tawag na may barilan sa compound ng Commonwealth Market. Nagmamadali akong nagtungo sa lugar. Sa bukana ng main entrance ng Commonwealth Market nadatnan ko ang bangkay ng market inspector na si Wilson Silva at sa di kalayuan ay nakita ko naman na nakasubsob ang officer-in-charge ng mga security guard na si Cylito Aragon. Rinding-in-tandem din ang pumatay. Susmaryusep! Nalusutan na naman ang mga pulis.

Asan ang mga pulis ni PNP chief Dir. Gen. Nicanor Bartolome. Tutulog-tulog na naman ba? Mabuti na lamang at hindi natutulog ang mga taga-Manila Police District at nakabawi sa kahihiyan.

Nakaenkuwentro at na­ patay ang 2 riding-in-tandem robbery hol­dap gang sa Quezon Boulevard underpass. Nagbunga ang paghihigpit ni MPD-OIC Sr. Supt. Alejandro Guttierez sa lahat ng mga pulis kaya natodas ang dalawang salarin.

Hindi basta-basta ang napatay na holdaper dahil armado rin ito ng automatic rifle at calibre 38 na kung nagkataon na pupu-ngas-pungas ang pulis ni Guttierez na sumagupa tiyak na mabibistay rin sila. Samantala sa kabila ng mahigpit na pagpapatrulya ng MPD, dalawang salva-ges victim naman ang natagpuan sa P. Campa St, Sampaloc, Manila. Marahil biktima ang mga ito ng mga galit na galit na mga vigilantes kaya tumutulong na sila sa paglikida sa mga pusakal sa kalye. Palatandaan ito na kulang talaga ang serbisyong ipinakikita ng PNP na mabigyan ng proteksyon ang samba-yanan.

Abangan!

Show comments