Deployment ban
KINATIGAN ni P-Noy ang deployment ban na ipinatupad ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa mga OFWs sa may 41 bansa. May ibang umalma sa desisyon. Pero anang Palasyo, ito’y para sa proteksyon ng mga Overseas Filipino Workers.
Ayon sa Department of Labor and Employment, ang deployment ban ay nakaapekto lamang sa mahigit 200 OFWs na kusang-loob na umuwi ng bansa para mapabilang sa iba’t ibang integration program ng gobyerno. Ang deployment ban ay sumasaklaw sa mga bansang may kaguluhan gaya ng Somalia, Syria, Nigeria, Lebanon, at may itinakda ring partial ban sa Iraq at Afghanistan.
Marami sa mga kababayan natin ang nangangaila-ngan ng disenteng kabuhayan. Pero responsibilidad ng gobyerno na unahin ang kaligtasan ng mga Pilipino. Safety first. Kasi kapag may mga umuuwing Pinoy sa bansa na nakasilid sa kahon, gobyerno rin naman ang namomroblema. Ang trabaho’y nahahanap pero ang buhay na nakitil ay hindi na maibabalik.
Ayon kay Executive Secretary Paquito Ochoa, sa kabila ng ban, isinasaad sa Amended Migrant Workers and Overseas Filipino Act of 1995 na pinahihintulutan ang pagtatalaga ng OFWs sa mga kompanya at kontratistang mayroong pandaigdigang operasyon kung susundin ng mga ito ang mga pamantayang itinakda ng POEA.
Anang Executive Secretary, malaki ang pagkilala ng gobyerno sa kontribusyon ng OFWs sa ekonomiya kung kaya habang tinitiyak ang kanilang kaligtasan ay lalo pang palalawakin ng mga nakatalagang ahen- siya ang pagbibigay sa kanila ng mga pagkakataong pangkabuhayan.
Matatandaan na noong nakaraang linggo ay ipinagbawal ng POEA ang pagpapadala ng OFWs sa 41 bansa at nagbabala rin na hindi sakop ng pananagutan ng ahensiya ang sinumang magpupumilit pa ring pumunta sa mga bansang minarkahan ng pula.
Minsa’y makukulit ang ilang kababayan natin pero hindi masisisi dahil ang nais nila’y trabahong sapat tumustos sa pangangailangan nila at ng kanilang pamilya.
Pero kapag nagpumi-lit silang makalabas at mapahamak, gobyerno rin ang sumasakit ang ulo.
- Latest
- Trending