Mga dapat na simpleng batas
NAKAKATAWA pero napapanahon ang “Anti-Epal” bill ni Sen. Miriam Defensor Santiago. Ipagbabawal at paparusahan ang sinumang opisyal na magpapaskel ng pangalan at litrato sa mga public works projects. Sa totoo naman kasi, tayong taxpayers ang nagpagawa ng tulay o tricycle stop o basketball court na ibinabandila ng opisyal, kaya hindi dapat nila tayo agawan ng eksena. Ang “epal” ay Filipino slang para sa “mapapel” o mahilig magpasikat.
Merong mga iba pang simpleng batas na dapat ipasa. Isa rito ang pagbawal sa local officials na isara ang national roads para sa religious procession, beauty contest, sport event, o musical concert. Naiistorbo at natatrapik kasi ang mga taga ibang lugar na dumadaan sa national road. Tandaan na hindi lang ang mga taga-pook na dinadaanan ng national roads ang nagpapagawa nito, kundi lahat ng taxpayers. Kaya lahat din ay may karapatang dumaan dito nang walang hadlang.
Isa pang dapat isabatas ay ang pangangalaga ng safety sa tabing dagat, lawa o ilog. Taun-taon maraming nalulunod sa mga salu-salo at pagtatagpo sa mga waterways. Ipinagkikibit-balikat lang ito ng mga tao, at sinasabing naningil na naman ang engkanto ng dagat, lawa o ilog ng ilang buhay ng tao. Sa totoo lang, dapat ituro ng mga provincial, city at municipal governments ang pag-iingat sa paglangoy, ang mga undertow at drops, at iba pang peligro. Dapat din ikaratula ang mga safe at peligrosong pook, at magtanod ng lifeguards sa public resorts.
Dapat din isabatas ang pag-standardize ng mga directional signs. Kanya-kanyang diskarte ang mga taga-gawa ng street signs para sa mga munisipyo at barangay. Iba-ibang kulay at liit ng letra. Dapat gayahin ang US standard: berdeng background, at puting letra na 24 x 4 inches.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail:[email protected]
- Latest
- Trending