KAPAG naipasa ang batas ni Sen. Miriam Defensor-Santiago na nagbabawal sa mga pulitiko na ilagay ang kanilang pangalan o mukha sa ipinagagawang proyekto gamit ang pondo ng bayan, marami ang matutuwa o masisiyahan. Tiyak na maraming papalakpak. Matagal nang nanggigigil ang taumbayan sa mga pulitiko na ang mga ipinagagawang proyekto gamit ang taxpayers money ay kanilang inaangkin sa pamamagitan ng paglalagay ng kanilang pangalan at pati mukha ay ibinabandera.
Ang title ng Senate Bill 1967 ni Santiago ay “An Act Prohibiting Public Officers from Claiming Credit through Signage Announcing a Public Works Project”. Oras na maipasa ang batas na ito, babaklasin agad ng Department of Public Works and Highways, Department of Interior and Local Government at Metro Manila Development Authority ang lahat posters at signage ng pulitiko sa proyekto. Sabi ni Santiago, walang karapatan ang pulitiko na ilagay ang kanilang pangalan sa proyekto na ang ginastos ay buwis na galing sa mamamayan. Hindi mahalaga at masyadong unethical ang ginagawa ng mga pulitiko. Ipino-promote lamang umano ang kultura ng corruption.
Matagal nang ginagawa ng mga pulitiko ang paglalagay ng kanilang pangalan sa anumang proyekto. Maski ang pag-aaspalto ng kalsada ay inaangkin ng mga pulitiko gayung pera ng taumbayan ang ginastos dito. Ang pagpapagawa ng mga waiting shed ay inaangkin din. Mayroong ilang pulitiko na inuukit pa ang pangalan sa proyekto at lantarang ibinabandera sa taumbayan.
Sabi pa ni Santiago, ang pag-angkin ng pulitiko sa proyektong ang gumastos ay taumbayan mismo ay nakasisira sa imahe. Hindi aniya ito maganda at lalo lamang nagpapalayo sa damdamin ng taumbayan. Sa ilalim ng batas, ang sinumang pulitiko na ibandera ang pangalan at mapatunayan ay makukulong ng anim na buwan hanggang isang taon.
Maraming matutuwa sa batas na ito kapag ganap na naipasa. Ito ang lulusaw sa masamang praktis ng mga pulitikong umaangkin sa proyektong hindi naman sila ang gumastos. Sana ay maipasa ito sa lalong madaling panahon at habang malayo pa ang election.