ILANG linggo na ang nakararaan nang ginawa kong simple ang kuwento tungkol sa kontrobersya na bumabalot sa Development Bank of the Philippines (DBP) loan ni Ginoong Roberto V. Ongpin, isang matalik na kaibigan ni Sir Senyor Don Jose Miguel Arroyo at dating Cabinet member ng yumaong President Ferdinand E. Marcos.
Naisip ko ngayon gumawa ng isang halimbawa para maging mas malinaw sa atin ang isyung ito at maintindihan natin bakit ito nais talagang halukayin ni Sen. Serge Osmeña III.
Ganito po ito: Merong bahay si Juan dela Cruz na hindi naman niya kailangang ipagbili. Naisip ni Ginoong Bobby na ipagbili ang tahanan ni Juan dela Cruz sa isang malaking kompanyang nangangailangan nito.
Kinausap ni Bobby ang malaking kompanya, tiniyak na kaya niyang kumbinsihin si Juan dela Cruz na ipagbili ito at nagkasundo sila sa presyo. Balik si Bobby kay Juan dela Cruz, sinabing handa itong bilhin sa magandang presyo at para makumbinsi pinatawag pa ang best friend niyang si Mike na maimpluwensiya at mahirap hindian.
Napapayag si Juan dela Cruz dahil sa tawag ni best friend Mike na may dagdag pa na kikita naman at babayaran naman agad. Kaso may problem pa si Bobby, wala siyang pambayad kaya balik siya kay best friend Mike at bumulong: “sabihan mo naman si Juan dela Cruz na pautangin ako, kikita naman siya at babayaran naman agad.”
Tawag uli si best friend Mike kay Juan dela Cruz: “pautangin mo nga si Bobby, garantisado ko iyan, best friend ko iyan.
Of course napapayag si Juan dela Cruz, inutang sa kanya ang pera at binili ang kanyang bahay tapos bentang bigla sa malaking kumpanya sa mas malaking halaga. Binayaran si Bobby nang malaking kumpanya, punta siya kay Juan dela Cruz para magbayad ng utang pero ang sobra kanya na except, siyempre may share si best friend Mike.
Naintindihan n’yo ba mga best friend? Hindi ba ginisa sa sariling mantika si Juan dela Cruz?
* * *
Para sa anumang reaksyon, suhestiyon text lang sa 09498341929 o e mail sa nixonkua@ymail.com