DAHIL sa P200,000 reward money na inoffer ng pamahalaan ng Laguna, sumuko si Angel Capili Jr kay General Trias, Cavite mayor Antonio Ferrer. Natakot si Capili nang malaman ang nakapatong na P200,000 na nakapatong sa kanyang ulo. Inamin ni Capili na siya ang pumatay kay Ricky Pempengco, ama ni internationa singer Charice Pempengco noong gabi ng October 31 sa harap ng sarisari store sa Bonifacio St., Bgy. Laram, San Pedro, Laguna. Si Capili ay sinamahan ng kanyang asawa at ni Bgy. chairman Rolando Pagkaliwanagan kay Mayor Ferrer dakong ala-una ng hapon. Agad dinala ni Ferrer sa Camp Crame si Capili at itinurned-over kay PNP chief Director Gen. Nicanor Bartolome.
Marami ang sumawsaw sa isyu upang makakuha ng pogi points sa pagsuko ni Capili. Ganyan talaga ang buhay laging sabit sa kasikatan na hindi naman nila kayang gawin sa totoong buhay. Matapos mabiripika na si Capili na nga ang nasa loob, agad iniharap ni DILG secretary Jesse Robredo sa media. Inamin ni Capili na siya nga ang pumatay kay Ricky subalit itinanggi na kakilala niya ang napatay. Humingi siya ng tawad sa pamilya ng kanyang napatay particular kay Charice.
Subalit sa pagkakaalam ko, may matagal nang alitan si Capili at Ricky. Noong 2005 pa umalis si Capili sa Bgy. Laram matapos makaaway si Ricky. Lumipat siya sa Gen. Trias, Cavite. Muling nag-kros ang landas nina Capili at Ricky noong gabi ng October 31 kung saan nagkabanggaan sila ng balikat sa harap ng tindahan habang bumibili ng sigarilyo ang napatay. Agad umalis si Capili subalit bumalik na may dalang icepick. Inundayan ng saksak si Ricky. Sa kabila ng tinamong sugat lumayo si Ricky at naupo sa isang bato na nasa gilid ng kanal.
Ngunit kinubabawan na yata ng demonyo si Capili at sinugod muli si Ricky sabay sabing “buhay ka pa!” at pinagsasaksak ng icepick. Matapos iyon, agad tumakas si Capili. Ngunit nang iharap si Capili sa mga mamamahayag, sinabi nito na hindi niya kilala ang napatay. Subalit kahit ano pa ang kanyang palusot, pagdudusahan niya ang nagawang krimen.
Malaki talaga ang nagawa ng reward money para madaling sumuko ang suspect. Ang payo ko naman sa mga pulis ng San Pedro, pagbutihin ang pagpapatrulya sa nasasakupan para hindi malusutan ng mga kriminal. Abangan!