Editoryal - Maiiwasan ang baha
MAGANDA ang payo ng isang environment expert mula sa Thailand para maiwasan ng Pilipinas ang grabeng pagbaha. At ang payo ay dapat nang iaplay agad. Maaring may magtatawa kay Christoph Menke sapagkat habang nagpapayo siya kung paano maiiwasan ang pagbaha, kasalukuyan namang lubog sa baha ang kanyang bansa. Pero huwag pagtawanan ang kanyang mga rekomendadong paraan sapagkat ito ang maaaring maging daan para maiwasan ang pagbaha, lalo na sa Pilipinas. Si Menke, isang propesor sa Graduate School of Energy and Environment sa King Mongkut’s University of Technology Thonburi sa Bangkok ay nagsabing dapat na gumawa ang gobyerno ng Pilipinas nang mga water channel patungo sa agricultural areas para maiwasan ang pagbaha. Sabi ni Menke, kung maraming water channels walang mangyayaring pagbaha sapagkat doon tutungo ang lahat nang pakakawalang tubig.
Ipinaliwanag ni Menke na dapat ay maghanap ang gobyerno ng isang lugar na padadaluyan ng tubig at itong lugar na ito ay nararapat na angkop para pagtaniman o isang agricultural land. Ito ay para hindi masayang ang tubig. Huwag gagawa ng water channel na ang tutunguhin ay mga kabahayan o kinatitirikan ng mga negosyo o iyong industrial land. Sabi ni Menke, malaking pera at matibay na determinasyon ang kakailanganin sa paggawa ng water channels subalit malaki ang maitutulong nito sa hinaharap para maiwasan ang pagbaha. Ayon pa sa environment expert, sa kanila sa Thailand ay may 2,000 water channels.
Napagtuunan ng pansin ni Menke ang pagpapa-kawala ng tubig sa mga dam sa Pilipinas na nagdulot nang mapaminsalang baha sa Bulacan, Pampa-nga at Nueva Ecija noong nakaraang buwan. Ayon kay Menke, dapat ay rebyuhin ang protocol kapag magpapakawala ng tubig sa mga dam. Nararapat na may maingat na plano sa pagpapakawala ng tubig sa panahon ng tag-ulan. Unti-unti raw magpakawala ng tubig kapag nakita ang pagpapalit ng monsoon pattern. Sa ganitong paraan, kaunti na lamang ang pakakawalang tubig sa panahon na may bagyo.
Maganda ang payo ni Menke para maiwasan ang pagbaha. Dapat pag-aralan ito ng gobyerno. Maraming water channels ang kailangan upang may pagdaluyan ang itatapong tubig ng dam. Maglaan ng pondo para sa pag-construct ng water channels.
- Latest
- Trending