EDITORYAL - Ipakitang kaya rin ng military
NANG tambangan ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang mga sundalo sa Al-Barka, Basilan noong Oktubre 18 na ikina- matay ng 19, maraming nag-isip at naitanong sa sarili na mas mahuhusay ba ang mga rebelde kaysa sa mga sundalo. Mas magaling bang makaramdam o makatunog ang mga rebelde na may dumarating na sundalo kaya nakapaghanda at naisagawa ang pag-ambus? Dahil nakaposisyon sa kubling lugar, madaling naratrat ang mga sundalo. Maraming nag-isip na mahina ba ang intelligence unit ng AFP at hindi natunugan ang ambush. Ganyan din ang nasabi ni dating senador at ngayo’y congressman Rodolfo Biazon. Mahina raw ba ang intelligence ng mi-litary at hindi namonitor ang balak ng mga rebelde? Kahit may mga nasibak ng heneral sa puwesto dahil sa ambus, gusto pa rin namang paimbestigahan ng Senado ang nangyari.
Marami nang nangyaring pag-ambus sa mga sundalo at tila walang narinig na balita na may mga rebeldeng inambus ng mga sundalo. Lagi nang ang mga sundalo ang nalalagasan at hindi lang basta pinapatay kundi may pinupugutan pa ng ulo. Noong 2007, 10 Marines ang pinugutan ng ulo sa Basilan. Hanggang ngayon, hindi pa nabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng 10 Marines.
Sinasabing ang lider ng namugot sa 10 Marines ay siyang namuno naman sa pagtambang sa Army soldiers sa Al-Barka. Umano’y kaya nagtungo roon ang mga sundalo ay para arestuhin si MILF Commander Dan Laksaw Asnawi. Nahuli na noon si Asnawi at ikinulong pero nakatakas. Hanggang ngayon, malayang-malaya si Asnawi at maaaring magsagawa pa muli ng pananambang at pagpugot sa ulo ng mga sundalo.
Ang nakadidismaya naman ay ang pagmamatigas ng MILF na hindi nila isusuko si Asnawi. Kamakailan lang nagmatigas din ang MILF na hindi nila isusuko ang lima pa nilang commander na sangkot sa masasamang gawain sa Zamboanga Sibugay.
Kung ganito katigas ang MILF na patuloy na tumatangging isuko ang kanilang mga commander, dapat nang ipakita ng AFP na kaya nilang pulbusin ang mga rebeldeng pumatay at namugot ng ulo sa mga sundalo. Ipakitang kaya rin nilang isakripisyo ang buhay, maipaghiganti lamang ang mga pinatay na sundalo.
- Latest
- Trending