Nagsanib ng pwersa ang mga kalaban
maraming pinatay na kawal ng bayan;
Ngayo’y lumuluha ang kamag-anakan
ng mga sundalong nagbuwis ng buhay!
Labings’yam sundalo ng ating gobyerno
doon sa Basilan niratrat nang husto;
Ang mga kalaba’y nag-asal demonyo
kabataang kawal hindi na sinino!
Bakit nga ganito ang nangyari ngayon
ang tigil-putukan ay hindi nilingon?
Kaya ang gobyerno ngayo’y nagkaleksyon
huwag magtiwala sa masamang layon!
Dahil sa naganap may mga mungkahi
suspendehin muna peace talk sa rebelde;
Hakbang ng kaaway waring panlalansi –
di sila sinserong bansa ay bumuti!
Dapat lang marahil mungkahi’y masunod
upang pag-aralan hakbang na susunod;
Ang tigil-putukan kung di alinsunod
sa tuwid na landas ay tila baluktot!
Ang kapayapaa’y lalo pang gugulo
kung magpapatuloy gawain ng Abu;
Pero sa pahayag ng ating pangulo
ayaw masuspinde balak ng gobyerno!
Maganda ang hangad ni Pangulong Noynoy
na ang buong bansa mapag-isa ngayon;
Pero sa naganap nanlagas ang Pinoy
ngayo’y lumuluha itong buong nasyon!
Hustisya ang hanap ng nanga-ulila
ng mga sundalong naloko sa digma;
Pinuntahang sector akala’y payapa –
ang naroon pala’y kamatayan nila!
Maraming opisyal ng pamahalaan
gusto’y balewalain ang tigil-putukan;
Peace talk ng gobyerno at mga kaaway
hindi raw mabisa’t gobyerno’y nalinlang!