MAY karapatan palang maghigpit si NCRPO chief Dir. Alan Purisima sa paggamit ng koryente at tubig sa limang police district sa Metro Manila. Ito ang naging tema ng aming pag-uusap noong nakaraang October 17 bago siya tumulak patungong United States. Lumalabas kasi sa kanilang imbestigasyon na 70 porsiyento ng koryente at tubig ay nakukunsumo ng mga illegal jumper sa loob at labas ng headquarters, police station at police community precincts. Kaya naman lumobo ang utang sa Meralco at Maynilad.
Noon kasi super bagyo ang mga nagdaang opisyales ng Philippine National Police sa administrasyon kung kaya hindi ito nasisilip. Subalit ngayon na todo ang paghihigpit ng sinturon ng administrasyon ni President Noynoy Aquino matapos na matuklasan ang sandamakmak na utang sa Meralco at Maynilad, napilitang i-submeter na lahat ng mga opisinang nakikisilong. At kabilang nga ang MPDPC na kasalukuyang pinumumunuan ko.
Subalit naging maganda naman ang resulta ng aming pag-uusap ni Purisima dahil dininig naman niya ang aking pakiusap na sagutin nila ang bayarin sa ilaw at tubig. Ito kasing MPDPC ay may ilang dekada nang naging kaakibat ng Manila Police District sa mga gawain nito at tanging nag-iisang press corps sa lahat ng mga district police. Subalit nakiusap si Purisima na tulungan sila na mahuli ang mga illegal connection upang maparusahan ang mga opisyal na lumalabag nito. Kaya sa ngayon, malaking hamon ito kay Sr. Supt. Alejandro Guttierez, bagong Officer-in-Charge ng MPD na masawata ang mga illegal connection sa kanyang nasasakupan.
Kung sabagay kilala ko itong si Guttierez pagdating sa trabaho, dahil bukod sa pagiging beteranong Manila’s Finest likas na masipag ito sa kanyang sinumpaang trabaho. Ang pagiging matapat nito sa serbisyo at kay Manila Mayor Alfredo Lim ang nagtulak sa kanya upang maitalagang OIC ng MPD. Alam ni Guttierez ang galugad ng sikmura ng kapulisan ng MPD kung kaya hindi na siya mapaglalangan ng mga tusong opisyal na kumikita sa mga illegal connection.
Kaya ang payo ko sa Station Commanders at PCP chief, tumalima kayo sa kautusan ni Purisima at Guttierez nang hindi na ninyo sapitin ang nakahihiyang sitwasyon sa hinaharap. Tumulong kayo sa pagtitipid upang ang saving na malilikom sa ilaw at tubig ay magagamit pa ninyong pambili ng mga bala at gamit sa operasyon. Nais ko ring pasalamatan si Chief Supt. Roberto Rongavilla sa malaking tulong na nailapit niya ako kay Purisima para maisaayos ang bayarin sa Meralco at Maynilad. At nanawagan din ako sa lahat ng mga opisyales at miyembro ng mga Press Corps sa Metro Manila na tumulong sa pagbuking sa mga illegal connection ng kuryente at tubig upang makatulong kay PNP chief Dir. Gen. Nicanor Bartolome at NCRPO chief Alan Purisima.