ILANG linggo na ang lumipas nang mailathala sa kolum na ito ang pandededma ng CUL Bus Transport hinggil sa reklamo ng isang pasaherong nawalan ng bagahe pauwi ng Samar.
Kung hindi pa nanghimasok ang BITAG at ang Land Transportation and Franchising Board (LTFRB), hindi pa tutugon ang CUL.
Reklamo ng kanilang pasahero na lumapit sa BITAG, halos P70,000 ang halaga ng kanyang mga gamit na nasa loob ng kanyang bag.
Ang kanyang bag ay nakalagay sa compartment ng bus kung saan inilalagay ng kunduktor at drayber ng bus ang mga bagahe ng pasahero pauwi ng probinsiya.
Mayroon daw mga gadget, alak at pera kung kaya umabot ito sa ganoong halaga.
Ayon sa LTFRB, may pananagutan ang CUL Bus Transport dahil hawak pa ng pasahero ang isang ticket na nagpapatunay na may ipinagkatiwala siyang bagahe sa bus.
Sa mismong tanggapan ng LTFRB, pinagharap ang nagrereklamo at ang inirereklamo. Isang abogado ang nagrepresenta sa CUL upang magpaliwanag sa LTFRB.
Depensa ng CUL, walang katibayan ang pasahero kung talagang P70,000 ang halaga ng mga gamit sa loob ng nawalang bag.
Maging sa blotter umano ng biktima sa Samar, hindi nito dineklara na ganoon kalaking halaga ang mga nawalang gamit.
Depensa ng biktima, hindi siya magtitiyagang magpabalik-balik simula Samar pa-Maynila para asikasuhin ang problemang ito kung maliit na halaga lamang ang nawala sa kanya.
Ganunpaman, upang hindi na madagdagan pa ang kanyang suliranin at sakit ng ulo, nagdesisyon ang nagrerekla-mong tanggapin ang areglong inalok ng CUL Bus Transport.
Para sa CUL Bus Trans port, bagamat masasabing naplantsa n’yo na ang gusot na ito, huwag kayong magpasiguro.
Maging aral ang reklamong ito para hindi maging tatanga-tanga ang inyong mga tao na mai-isahan ng mga dorobo.
At sa mga bibiyahe lalo ngayong malapit na naman ang Undas, aba-ngan ang ikalawang bahagi ng kolum na ito para sa mga tips at paalala na dapat ninyong sundin.
Mas mainam ng preparado kesa sumakit ang inyong mga ulo kapag nawala ang bagahe mo!