TOTOONG tumataas lalu ang crime rate kapag Christmas season. Kahit kriminal kasi ay naghahangad ng masaganang Pasko kaya pinag-iibayo ang kanilang aktibidad: Holdup, kidnap, akyat bahay at iba pa. Kaya kuwidaw tayo.
Taun-taon ay nangyayari iyan. Pero iba ang panahong ito. Kasi all year round na ang mga nakawan at patayan. Kaya gaano pa kaya kalala ito ngayong pumasok na ang “ber” months? OK lang sana kung ang mga nangangaro-ling ay mga musical instruments ang dala. Paano kung mga baril at iba pang sandatang nakamamatay. At imbes na “Merry Christmas” ang bati ay “Holdap ito!” Kaya kung double time ang aktibidad ng mga hinayupak, dapat siguro triple time ang gawing operasyon ng ating mga tagapangalaga ng batas.
Ayon kay Executive Secretary Paquito N. Ochoa, Jr. pinakilos na ng Malacañang ang Philippine National Police (PNP) na dagdagan ang seguridad para mapigilan ang paghahasik ng krimen ng mga masasamang elemento.
Sa isang command conference sa PNP Headquar-ters sa Quezon City, sinabi ni Ochoa, na siya ring pinuno ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), na nababahala ang administrasyon sa ulat na pagdalas ng mga insidente ng krimen. Dahil dito’y hinimok niya ang mga opisyal ng pambansang pulisya na itodo nang higit sa normal ang kanilang operasyon upang masawata ang kriminalidad sa bansa.
Ani Ochoa dapat itaas ng PNP ang police presence at magsagawa ng high-visibility patrols sa buong bansa para sa pagbaka sa krimen. Para sa akin, huwag lamang gawin ito sa Christmas season. Gawin nang pirmihan ang pagkakaroon ng high visibility ng ating kapulisan bawat araw ng taon.
Maiiwasan ang mga krimen kung ang mga pulis ay makikita sa mga lansangan. Magkakaroon pa ng ibayong kredibilidad ito kung mismong ang mga matata-as na opisyal ng PNP ay makikita ring kumikilos sa lansangan laban sa mga aktibidad ng mga kriminal.
At huwag lamang sana sa mga ordinar-yong krimen ipako ang pansin ng mga law enforcers. Kahit sa mga aktibidad ng mga rebelde ay dapat nakatuon ang atensyon ng ating mga pulis at sundalo at huwag bayaang hu-madlang ang mga sinasabing “peace talks” sa mga rebelde sa implementasyon ng batas.
Kahit pa mga rebelde, dapat distinggihin ang mga gawain nilang labag sa batas at ilapat ang hustisya kung kailangan.