'Isang supot na pera!' (TANAZUL)
KAILANMAN ang isang magulang hindi matitiis ang anak!
Bakit meron mga magulang na kaya ipagpalit ang buhay ng kanilang anak sa isang supot na pera?
Nanghingi ng tulong sa aming tanggapan si Norma Garduque. Kasama niya ang kanyang panganay na anak na si Roderick Garduque, 42 taong gulang ng Tatalon, Quezon City.
‘Murder' ang kasong kanyang inilalapit sa amin. Pinagsasaksak daw na parang hayop ang kanyang anak na si Maricel Garduque.
Si Maricel, 29 na taong gulang ay isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa bansang Manama, Bahrain. Nagtatrabaho siya bilang isang ‘receptionist’ sa isang hotel.
Isang ‘radio transistor’ ang ugat ng madugong krimen na ito.
Ika-18 ng Abril 2000, tumawag kay Norma ang mister nito na nagtitinda sa Divisoria. Sinabi nito ang masamang balita.
"Lakasan mo ang loob mo ha? Patay na si Maricel".
Nanlambot si Norma at tuluyan nawalan ng malay. Kakausap lang daw niya kasi kay Maricel noong ika -17 ng Abril. Sinabi daw nito na may pupuntahang ‘party’ at aabutin ng gabi.
“Ma, lapit na akong umuwi dyan. Sa May 1 nandyan na ko magkakasama na ulit tayo,” wika daw ni Maricel.
Si Roderick na kapatid ni Maricel ay isa ring OFW sa Yambu, Saudi Arabia. Isa itong janitor.
Ika-20 ng Abril 2000, tinawagan daw siya ni Khalil Alamid. Si Khalil ay isang Muslim na asawa ni Maricel. Walong taon siyang kasal dito. Pinaalam nito sa pautal-utal na salita ng Ingles na pinatay daw si Maricel.
Nag-‘leave’ agad sa trabaho si Roderick para maasikaso ang nangyari kay Maricel.
Sa kwento daw ni Khalil sinaksak sa dibdib si Maricel ng kutsilyo matapos nitong hindi mapahiram ng ‘radio transistor’ ang suspek.
Ang tinuturong pumatay ay si Paolo de Guzman. Ginagamit din niya ang mga pangalan na Carlo Jose at Carlo Dayrit. Hindi daw napahiram ni Maricel si Paolo dahil nagmamadali na daw ito.
“Nag halucinate na daw agad si Paolo. Ang tingin daw niya kay Maricel ay isang demonyo. Tatlong ulit niyang sinaksak. Ginawa niyang baboy ang anak ko,” wika ni Norma.
Patakas na daw si Paolo pauwi ng Pilipinas. Nadakip ito sa airport. Nahatulan si Paolo ng 25 taong pagkakakulong.
Ika-28 ng Abril, dumating ang bangkay ni Maricel sakay ng Golf Air. Mismong si Norma ang sumundo sa anak. Nakita niya ang saksak nito sa dibdib, may hiwa sa leeg at ang mga sugat sa kamay at braso.
“Pina sealed namin ang kabaong dahil nangangamoy na din. Awang awa ako sa aking anak. Hindi ko maisip na sa ganong sitwasyon ko na ulit siya nakita”, wika ni Norma.
Taong 2004 nakatanggap ng sulat si Norma na galing kay Paolo. Handa daw itong magbigay ng ‘blood money’ o bayad dahil sa ginawa niyang pagpatay kay Maricel. Nag-offer ito ng halagang Php 500,000.
Ang kapalit ay ang isang ‘affidavit of forgiveness and desistance’. Unang pumasok sa isip ni Norma na kailangan niyang maging praktikal.
“Gusto kong mailipat ang mga buto ni Maricel sa Cagayan Valley kung saan nakalibing ang ama niya para magkasama sila doon,’ sabi ni Norma.
Gumawa siya ng sulat. Ibinigay nila ito sa Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs (OUMWA). Apat na taon silang naghintay pero walang dumarating na bayad.
Pebrero 2008, nakatanggap sila ng sulat mula sa OUMWA na sinasabing hindi na daw itinuloy ni Paolo ang ‘offer’ nito. Mas pinili na nitong makulong.
“Na disappoint kami kasi hinihintay din namin yung pera. Naisip ko matagal na din siyang nakakulong tapos 25 taon lang ang sentensya niya,” sabi ni Norma.
Nagulat ang pamilya Garduque ng muli silang makatanggap ng sulat noong Setyembre 2009. Galing ito kay Paolo. Humihingi pa rin ito ng tulong. Pinapagawa ulit sila ng ‘forgiveness letter’. Sa puntong ito mas mababa na ang inaalok na pera. Nasa halagang Php88,000 na lang daw ito.
“Marami din ako utang na dapat bayaran kaya pumayag na ko sa halagang yun,’ sabi ni Norma.
Nagpadala si Paolo ng halagang $300 o Php14,000 para pambayad sa paggawa ng ‘affidavit of desistance’.
Nagpadala ulit sila sa OUMWA ngunit hanggang ngayon wala pa ding nangyayari. Nababahala ang pamilyang ito na baka nakalaya na si Paolo.
May tawag daw silang natanggap na ang numero ay tila nasa Pilipinas lamang.
“Sana mabigyan kami ng ebidensiya na siya’y nakakulong pa. Sana po matulungan niyo kami,” pahayag ni Norma.
Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon) ang sinapit nitong si Maricel.
Bilang tulong kami’y nakipag ugnayan sa tanggapan ni Undersecretary Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs (DFA) upang alamin kung ito bang si Paolo o kilala din sa tawag na Carlo ay nakakulong pa ba sa bansang Bahrain. Ibinigay namin ang lahat ng detalye tungkol sa kanya.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi kami para maghusga kung mali ang ginagawa nitong sina Norma. Buhay ng kanyang anak ang kanilang ipinapasok sa isang negosasyon.
May tinatawag sa batas na ang unang pahayag mo ang binibigyan timbang ng korte.
Lumapit ka sa amin dahil nagrereklamo kang hindi mo pa nakukuha ang ‘blood money’ at nainis kami sa mga inasal mo. Wala ka rin karapatan na husgahan kami kung nawalan kami ng gana sa iyo.
Sa kahilingan mong gusto mong malaman kung nakakulong pa itong taong pumatay sa anak mo tutulong kami.
Kung ang layon mo ay mamagitan kami sa negosasyon sa perang tatanggapin mo sa pagkamatay ng anak mo, sorry hindi ka namin matutulungan d’yan. Ayaw namin maging parte ng pakikipag-negosyo kapalit ang buhay ng isang tao! (KINALAP NI AICEL BONCAY) Sa gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166 o 09198972854. Ang landline 6387285 at ang 24/7 hotline 7104038 o magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.
* * *
Email address: [email protected]
- Latest
- Trending



















